Pedro Pan

poster for Pedro Pan 2012
Performed at the Ateneo de Manila, G306 as a back to back with Beyond Definition.
Poster design by Samanta Quizon.

PEDRO PAN

Dulang May Isang Yugto

Jay Crisostomo

Ito’y dulang aking alay sa kaibigang lilipad na,

 Kasama ang aking puso at ang mga nakasaad ditong panata.

 

TAUHAN:

PEDRO

WENDY

RED

KUWATRO

TAGPUAN:

Loteng puno ng mga piraso ng basag na salamin.

BUNDOK NG MGA BUBOG

Unti-unting tataas ang ilaw sa entablado. Makikita sina RED atWENDY na nagtatapon ng mga piraso ng salamin, unti-unti silang bumubuo ng mumunting bunton. Nakaupo sa gilid si KUWATROng  nagbabasa ng komiks na may temang science fiction.Ang oras: madaling araw.

RED                            PEDRO! Kailangan pa ba nating gawin ‘to? Pagod na kami!

WENDY                     Delikado na Pedro! Masyado na mataas!

PEDRO                      (Mula sa labas) Hindi. Sige lang. Hangga’t kaya pa! Maniwala kayo sa akin, hindi kayo magsisi!

KUWATRO               (Habang nagbabasa ng komiks) Hindi kayo nakinig sa akin. Ayan. Sabi ko naman sa inyo na kung anong wirdong trip na naman ‘to ni Pedro.

Sa mga susunod na linya: habang nag- aaway sina RED at KUWATRO, pinapanood ni WENDY si PEDRO sa kalayuan.

RED                            Eh kung tumulong ka kaya’t matapos tayo bago mag-umaga? Komiks ka ng komiks kaya ululin ka e. 

KUWATRO               Bakit ako sasali sa kalokahan niyo? At Red, para sa impurmasyon mo, Science Fiction Graphic Novel ang tawag dito. Ito ay… (Susubukang ipaliwanag subalit titigil) Huwag na. Hindi mo rin maiintindihan.

RED                            E putang nerd ka pala e.

KUWARTO               Hindi purkit pumapasa sa English, nerd na.

Matitigil ang away sa sigaw ni PEDRO.

PEDRO                      (Mula sa labas) AY DIYOS KO PO! KA-A-AY BIGAT!

WENDY                     Pedro! Tama na! Baka madisgrasya ka!

KUWATRO               Buhay niya naman ‘yan. ‘Pag mamatay siya, saka na lang tayo magluksa.

WENDY                     (May sidhing galit) Kuwatro!

KUWATRO               (Isasarado ang binabasang komiks) Wendy, kailan ba nagtubong mabuti ang mga pakana ni Pedro?

RED                            (Sa sarili, habang pranatikong binubuo ang bundok) Kaunti na lang… Kaunti na lang… Kaunti na lang…

KUWATRO               Mga inutil lang tulad ni Redentor ang nauuto ni Pedro.

RED                            Kaunti na lang… Kaunti na lang… Kaunti na lang…

KUWATRO               Sige lang inutil!

RED                            Pinapahiya mo ba ako kay Wendy? Baka gusto mo ng away? Tara!

Tatakbong papasok si PEDRO, may daladalang higanteng piraso ng salamin, pirasong mas malaki pa sa kanya. Halos mahulog niya ito.

PEDRO                      (Hingal na hingal) Parang awa niyo na… tulungan niyo ako.

WENDY                     Diyos ko, Pedro! Mag-ingat ka’t baka kung ano mangyari sa’yo!

PEDRO                      (Halos mahimatay) Hindi… Wendy… Walang mangyayaring masama… sa akin… Tulungan niyo ako.

KUWATRO               (Bubuntong hininga) Heto na naman tayo.

RED                            Tumigil ka nga. Satsat nang satsat e.

Tutulungan nina WENDY, KUWATRO, at RED si PEDRO buhatin ang malaking piraso ng salamin.

Huli na ‘to?

PEDRO                      Oo, Red, basta malagay lang natin ito… sa pi-i-i-nakataas. Sa pi-i-inakagitna!

WENDY                     Gigising na si inay. Tiyak na di na naman ako palalabasin—

RED                            —Pedro, tumakas lang kami—

KUWATRO               —Mamatay na ako. Mamatay ako dahil sa ‘di mawaring bigat ng bubog na ‘to. Mamatay na ako’t hindi man malalaman ng magulang ko kung nasaan ako. Baka akalain nilang pinatay mo ako Pedro. Pinatay mo kaming lahat…

WENDY                     (Kay KUWATRO) Shhh!

PEDRO                      Huwag kayo mag-alala, malapit na. So-o-o-brang lapit na. Halika, mga kaibigan… Mag-ingat. Huwag madapa. Tumingin lamang sa haraya.

KUWATRO               Ano raw?

Babatukan ni WENDY SI KUWATRO.

Aray!

WENDY                     Ang daldal mo. Lalaki ka pa naman.

PEDRO                      Tumingin lamang sa haraya.

WENDY                     (Pabulong) Sa haraya.

Unti-unting maglalakad ang mga bata upang dahan-dahang ibaba ang salamin sa rurok ng bundok ng mga bubog.

KUWATRO               Magbuhat ka rin Red! Pinagyayabang mo mga masel-masel mo, hindi mo naman mapantay sa center of gravity—

RED                            —Nagbubuhat kaya ako! E kung ikiskis ko kaya sa mukha mong center of gravity mo.

WENDY                     Pedro… natatakot na ako.

Malapit na sila. Nakatingin si PEDRO sa guhit-tagpuan.

PEDRO                      Malapit na… Hayan… Hayan! Tumingin lamang sa haraya.

Tataas ang araw: unti-untinglumiliwanag ang ilaw. Tumatama ang bukang-liwayway sa mga pirasong salamin at tatalbog ang ilaw sa mga pader, sa mga mukha ng mga aktor, sa mga manonood.Bukang bibig pinapanood ng mga bata ang munting mirakulo. Sa kalayuan naririnig ang huni ng mga ibon. Magkakatinginan ang mga bata. Katahimikan. Biglang bugso ng pagtawa mula kina RED at WENDY:

RED                            Parang naliligo ako sa apoy!

WENDY                     Ang aking mga kamay! Balot ng mga alahas ng ginto’t diyamante!

RED                            (Gagayahin ang mga karakter sa mga palabas na Anime) Haduken! Ray Gun! Kami-hami wave! Makapangyarihan ako. Isang sugo ng kalangitan. Binasbsan ng Panginoon. Hindi… Hindi… Isa akong BATHALA!

WENDY                     Nakahimlay ang aking korona sa paa ng aking prinsipe. Doon sa kalayuang ako lang ang nakatatanaw, sa kahariang nasa kalayuan, lagpas pa sa mga bulubundukin, lagpas pa sa mga bansang pinangalanan ng mga tao, lagpas sa kamay ng gera at kasamaan, doon titingala ako’t makikita ang ngiti niyang mas mahalaga pa sa lahat ng alahas na gawa sa ginto’t diyamante, mas mahalaga pa sa lahat ng koronete’t korona’t reynong pinagtipon-tipon. At doon luluwal sa kanyang puso ang mga salitang inaasam ng kahit sinong natutong umibig…

Hindi makapaniwala si KUWATRO. Tahimik lang siya sa isang tabi habang pinagmamasdan ang kanyang mga kamay.

PEDRO                      (Sa sarili) Sa mundong ito… Dito sa mundong hubog ng mga munting mirakulo… Kahit sa i-isang saglit lamang, lahat ng impusible ay pusible, halos mahawakan ko na…

Itataas ni PEDRO ang kanyang mga kamay. Matitigil si Wendy sa kanyang pagpapantasya at panunoorin si PEDRO.

Tumatagos ang aking kamay sa mga ulap, sa mga bituwin, sa kalawakan, at sa aking palad humihimlay ang isang mumunting araw. Doon sa haraya…

WENDY                     Pedro.

Lilipas ang munting mirakulo. Mapapatingin ang tatlo kay PEDRO.

PEDRO                      (Buo ang loob) Lulundagin ko ang haraya! Lulusungin ko ang  himpapawid! Sasaliw ang aking katawan at pagkatao sa sayaw ng hangin, ulap, bulalakaw, araw at buwan! Doon ako ay malaya. Malayang humalakhak nang dalisay habambuhay!

WENDY                     (Pabulong) Pedro… Tama na… Nakakatakot.

PEDRO                      AKO AY LILIPAD.

WENDY                     (Kinakagat ang labi) Pedro…

Katahimikan.

KUWATRO               (Biglaang kukunin ang komiks na naiwanan, ipapakita kay PEDRO ang isang pahina) Ito. Pedro! Tignan mo… May patlastas sa komiks na binabasa ko kanina… Pedro! Paglipad.

PEDRO                      (Babasahin ang patalastas) School for Flight—

RED                            (Kukunin ang komiks) —Tuturuan namin kayo lumipad—

WENDY                     Sa presyo ng inyong paglakad.

RED                            Totoo ba ‘yan? E hindi ba sci-fi lang ‘yan?

KUWATRO               Hindi. Hindi. Hindi. Tulad nga ng sabi ni Pedro. Lahat ng impusible ay pusible. Pedro?

Patlang.

PEDRO                      (Tatalon) Ta-a-ara!

WENDY                     (Pabulong) Pero…

RED                            Tara!

KUWATRO               Tara.

Magtatakbuhan palabas ang tatlong mga lalaki. Mananatili si WENDY sa entablado. Papasok muli si PEDRONG humahalakhak at para bang nababaliw na sa tuwa.

Titigil si PEDRO. Magtitinginan sila ni WENDY. Lalabas si PEDRO.

Patlang.

PAGGUNITA SA ANATOMIYA NG PAGLIPAD

Didilim ang ilaw pang-entablado. Makikita lamang si WENDY at ang mga aninag ng mga pangyayari sa kanyang likuran. Sa kalayuan muling naririnig ang paghuni ng ibon kasabay ang pagtawa ni PEDRO.

WENDY                     (Titingin sa haraya) At lumipad nga sila… Habang pinapanood akong pinapanood silang sumasayaw sa saliw ng hangin, ng mga ulap, ng mga bulalakaw, ng araw, at buwan.

 Daraan si RED sa likod ni WENDY, nagsusuot siya ng leather jacket. Mabilis at puno ng tapang ang kanyang hakbang. Tumatanda siya.

RED                (Tatalon) Wahoo!

Lalabas si RED.

Papasok muli si RED at tatakbuhin ang haba ng  entablado. May hawak na siyang electric guitar.

WENDY                     (Sa sarili) Parang nakita ko silang tumatalon, yumuyugyug sa konsyerto ng mga galaw, sigaw, at ilaw, walang pakielam sa mundo ng mga problema at sakit. At lahat sila, inaabot ang kanilang mga kamay, iniimbitahan akong humiyaw kasama nila ng “Kalayaan!”

RED                            (Sa di nakikitang mga manonood) Sa gabing ito, mga kasama, kaibigan, at ka-ibigan, TAYO AY MALAYA.

I-stra-strum ni RED ang gitara niya. Papalakpak si WENDY. Iaalay ni RED ang kanyang kamay kay WENDY.

WENDY                     Nakangiti ako, naalala ko ‘yon, (Hihindian ni WENDY si RED) nang tumanggi ako sa kanilang mga alok.

Lalabas si RED.

Naisip ko… Hindi na sila mga tao. Hindi ko mamukhaan ang kanilang ligaya. Sila’y mga hunyangong nagbalatkayong mga kaibigan ko. Sa katunayan…

Papasok si KUWATRO, may bihis na labcoat. Karga-karga niya ang maraming libro. Tumatanda siya. Lalabas.

Sila’y mga lawin. Hindi. Sila’y mga agila, buo ang tingin sa araw na gusto nilang hawakan, hindi man takot mabulag.

Papasok muli si KUWATRO, mabilis at puno ng tapang ang kanyang mga hakbang. Sa kanyang isang kamay may hawak siyang panulat. Sa kabilang kamay may hawak siyang i-sthetoscope.

KUWATRO               Ako ang batalang makata.

WENDY                     Hindi, sila’y mga anghel.

KUWATRO               Ako ang bathalang makata na habang buhay na lumilikha.

WENDY                     Hindi. Sila’y mga bathala. Mga Bathalang kung kanino lahat ng impusible ay pusible. Kahit ang lumipad. Kahit ang abutin ang araw.

Lalabas si KUWATRO.

Patlang.

 (Maalala ang masakit na nakaraan) Kahit abutin ang di maabot. Kahit lusungin ang haraya at tawirin ang guhit-tagpuan.

Halos ma-iyak si WENDY. Lalabas siyang kinakalong ang kanyang mga braso. Sa kanyang paglabas, maririnig ang pagtawa ni PEDRO.

MGA BATHALANG MAKATA

Sampung taon matapos ang unang eksena.

Papasok si RED. Naka-itim. May hawak siyang mga puting  rosas. Titignan niya ang kanyang pilak na orasan. Titingin sa kaliwa at kanang bahagi ng entablado na para bang may hinihintay. Walang papasok. Iaalay ni RED ang mga bulaklak sa bundok ng mga bubog.

RED                            Sa kaibigan kong linipad ang haraya.

Papasok si KUWATRO, may bitbit ring mga puting rosas. Magara ang suot.

Kuwatro.

KUWATRO               (Malamig) Doktor Kuwatro.

RED                            Paumanhin, Doktor Kuwatro.

KUWATRO               Walang anuman, Ginoong Redentor.

Patlang.Tatawa ang dalawa. Biglang mag-aakapan.

Kamusta, Red! Kamusta na ang banda? Ang mga babae? Ang buhay rakista?

RED                            Hindi. Gimik lang ‘yon ng manager ng banda para sa image ko. Alam mo naman, puro marketing lang ang music scene ngayon.

KUWATRO               (Hindi naring si RED) Kung minsan na-iinggit ako sa’yo. Life in the fast lane. Sex, drugs, and rock ‘n roll!

RED                            (Para makuwa ang atensyon ni KUWATRO) Kuwatro! (Kalmado) Ipapakasal na ako.

KUWATRO               Talaga? Kailan ang kasal? Ito talaga hindi nagkukuwento. Hindi ba ako imbitado diyan?

RED                            Madaldal ka pa rin. Kuwatro, kukumbidahin sana kitang maging best man.

Patlang.

KUWATRO               Pare, it would be an honor.

Magkakamayan ang dalawa. Papasok si WENDY, kasing edad nina RED at KUWATRO subalit naagnas na ang kagandahan at tikas ni WENDY. Makukumpara siya sa rosas na nalanta. Nakapambahay lamang siya. Matitigil ang pagsasaya ng dalawa.

WENDY                     Ah, panahon na naman pala… Magandang umaga Doktor. Redentor.

RED                            Wendy.

Magbebeso sina WENDY at RED. Hindi papansinin ni KUWATRO si WENDY.

KUWATRO               Sampung taon nang lumipas.

WENDY                     Ganoon na ba katagal?

KUWATRO               Sampung taon na ang lumipas subalit nararamdaman ko pa rin ang lahat. Parang kapag tuwing ipinipikit ko ang aking mata, ako ay lumilipad pa rin. Dala ng langit. Tungo sa haraya.

RED                            Kuwatro, tama na.

Tatango si WENDY.

KUWATRO               At sa pinakamatamis kong mga panaginip, naalala ko siya. Siyang lumipad nang mas mataas at mas malayo…

RED                            Shut up!

KUWATRO               Naalala ko. Sumigaw ako. Sa rurok ng aking hininga— hanggang gumasgas at gumaralgal ang aking lalamunan at halos duwal na lang ang aking mga hiyaw… “Huwag masyado malayo… Huwag masyado mataas! Hindi ka na makababalik!”

RED                            KUWATRO!

KUWATRO               UNA AKONG NAHULOG. NAHULOG AKO SA AKING MUKHA. BUMUKA AT NAGDUGO ANG AKING ILONG. SUMUNOD SI RED, HALOS MABALI ANG KANYANG GULUGOD. PERO NAKANGITI PA RIN KAMI. NAKANGITI. TUMATAWA SUBALIT LUMULUHA. LUMIPAD SUBALIT NAHULOG. AT SIYA… WENDY, ANO ANG NANGYARI SA KANYA?

Sasapakin ni RED si KUWATRO sa mukha. Mahuhulog si Kuwatro.

Katahimikan.

WENDY                     (Itataas ang ulo, umiiyak) Sabi niya, “Wendy, panoorin mo ako. Maabot ko na. Maabot ko na ang haraya.”

RED                            Wala kang kasalanan, Wendy.

WENDY                     At sabi ko, “Lumipad ka Pedro, lumipad ka pa, abutin mo ang mga bulalakaw, ang araw, at ibaon mo para sa akin ang buwan. Pedro, MAHAL KITA!”  Nanginginig ako sa takot at tuwa. Hindi ko pa alam ang ibig sabihin ng mga salitang “Mahal kita!” Pero alam ko, sa kaibuturan ng aking puso na tama at totoo ang mga salitang aking binanggit.

Patlang.

Tatatyo si KUWATRO.

KUWATRO               (Iaalay ang mga rosas) Sa kaibigan kong linipad ang haraya. (Kina RED at WENDY) Paumanhin. Kailangan ko nang lumisan.

RED                            Pare, patawad. Hindi ko sinasadya…

KUWATRO               Wala ‘yon. Tawagan mo na lang ako ukol sa kasal. (Tutungo) Hanggang sa muli.

WENDY                     Hanggang sa muli.

KUWATRO               Hindi ikaw ang kinakausap ko.

Lalabas si KUWATRO.

Katahimikan.

RED                            Patawad, hindi niya naiintindihan mga sinabi niya.

WENDY                     Hindi… Hindi lang talga siya nagbago. Kahit ikaw. Parang hindi kayo tumanda.

RED                            At ikaw, kasing ganda ka pa rin noong araw na ‘yon… Noong pinapanood mo siya.

WENDY                     (Tatango at ngingiti) Huwag mo na ako bolahin. Tumanda na ako. Wala na ang tamis ng aking ngiti.

Patlang.

RED                            Wendy, ikakasal na ako.

Patlang.

WENDY                     Congratulations.

Patlang.

RED                            May oras pa, Wendy. Puwede pang…

WENDY                     Hindi… Dito na lang ako, Red. Ikaw, magpakasaya ka, ikaw na nakaaalala kung papaano lumipad, mabuhay ka. Iwanan mo na ako sa kulungan ko ng pinakamatatamis kong mga alalahanin. Dito sa dalampasigan ng mga paraiso, sa bundok ng mga bubog.

RED                            Pero… Pero… Hindi ko maintindihan. Samahan mo ako. Samahan mo ako at magkasama nating lisanin ang pinakamasasakit mong alalahanin. Iwanan mo ang esterong itinayo mo sa tabi ng puntod ng dati mong minahal. Hindi na siya babalik, Wendy.

WENDY                     Alam ko. Subalit dito, kahit papaano nararamdaman kong kasama ko siya.

Patlang.

RED                            Maari… Maari… ba kitang…

WENDY                     (Pabulong) Hindi.

Patlang.

RED                            Maari ba kitang halikan?

WENDY                     (Ngingiti kay RED) Hindi, Redentor.

Katahimikan.

RED                            Paalam. Hanggang sa muli.

WENDY                     Hanggang sa muli.

Titingin ang dalawa sa bundok ng mga bubog.

Didilim ang ilaw.

PAGBAGSAK

WENDY                     (Tumatanda: gumagralgal ang boses, tumitindi ang yuko, magsusuot ng itim na balabal) Lunes. Martes. Miyerkules.  (Kakanta)Enero. Pebreo. Marso. Abril. Mayo.

(Sa sarili) Araw. Buwan. Taon ang lumipas bago muling may nag-alay ng rosas sa puntod ni Pedrong aking binantyan araw-araw, tulad ng pagsunod ng buwan sa araw.

Uupo si WENDY sa tabi ng bundok ng mga bubog, parang may tinatabihang kasintahan.

Hingal na papasok si KUWATRO. May puti na ang kanyang buhok.

KUWATRO               Wendy! Wendy, madali. Magmadali! Nangyari na…

WENDY                     (Pagod) Sino ‘yan?

KUWATRO               Si Kuwatro! Wendy, nangyari na ang babala sa patalastas. Nasa ospital si Red. Halika, nanghihina na siya!

WENDY                     Bakit?

KUWATRO               Hiling niyang makita ka.

WENDY                     (Tatango) Kasama niya na ang kanyang asawa at mga anak.

KUWATRO               Tatanggihan mo ang hiling ng kaibigan mong namamatay?

WENDY                     Maraming nagmamahal sa kanya, at patuloy niyong babantayan ang kaibigan natin.

KUWATRO               Hindi ka nagbago! Nang-iiwan ka pa rin sa ere!

WENDY                     Hindi… kasama niya na ako. Habang naririto ako kasama ko kayong mga pinanood kong lumipad.

KUWATRO               Hindi panahon ng mga tula at alay na abstraksyo ngayon. Walang kahulugan sa tunay na buhay ang magandang loob at kaakibat nitong mabubulaklak na salita!

WENDY                     Hindi ba manunulat ka, Kuwatro? Paano mo nasabi iyon?

KUWATRO               Oo manunulat ako, pero doktor din ako. Araw-araw akong nakakakita ng mga namamatay. Hindi talinhaga ang gumagamot sa kanila.

WENDY                     Patawad, ni hindi ko nga alam kung paano tumula, wala naman akong kayang ialay kundi ang sabi mong aking magandang loob at kaakibat nitong mabubulaklak kong mga salita. Ang mayroon lang ako ay alaala. Ikaw na doktor ang tumabi sa ating kaibigan. Ikaw ang mag-alay ng pag-aarugang pisikal.

KUWATRO               Walang halaga ang mga salita, mga konsepto’t mga ideolohiya! Lahat ng napag-aralan ko, pinaggugulan ng buhay ay walang halaga! Ni hindi ko man matulungan ang kaibigan ko. WALA! Salita, galaw, sayaw.

Biolenteng manginginig ang mga paa ni KUWATRO.

WENDY                     Ang mga paa mo.

KUWATRO               WALA! Ni wala man akong magawa! Sa lahat ng talino’t karunungang ipinag-angkat ko sa aking kukote. WALA!

Biglang mahuhulog si KUWATRO.

WENDY                     (Tatakbo para tulungan si KUWATRO) Ano nangyari sa’yo?

Patlang.

KUWATRO               Huwag mo akong hawakan.

Itutulak ni KUWATRO si WENDY palayo. Susubukan ni KUWATRO makatayo.

Hindi… Hindi ako makatayo. Hindi na umaandar ang aking mga paa. Hindi na ako makakalakad… Ito ang presyo ng paglipad.

Kadiliman.

PRESYO NG PAGLIPAD

Unti-unting liliwanag ang entablado subalit halos maggagabi na rin kungsusuriin ang tingkad ng ilaw. Papasok si Red, naka-wheel chair, kalong ang mga puting rosas sa mga binti. Matanda na siya.Ubod ng bagal ang pagtawid niya mula sa bagwis hanggang sa bundok ng mga bubog.

RED                            (Iaalay an mga rosas) Kaibigan.

KUWATRO               (Lalabas sa likod ng mga bubog)   Ikaw ba ‘yan kaibigan? Redentor?

RED                            Ako nga Kuwatro. Matagal na kitang hindi nakita.

KUWATRO               Patawad. Nahiya ako.

RED                            Bakit?

Patlang.

KUWATRO               Dahil, nakalimutan ko na kung papaano maglakad.

RED                            Hindi ka sana nahiya, kaibigan. Ikaw, nakita mo akong nahulog, umiyak… Sinamahan mo ako sa ospital.

KUWATRO               Siguro dahil na rin sa takot na mangyayari rin sa akin ang nangyari sa iyo. (Patlang) Mahirap malumpo, lalu’t lalo na’t tayo ay lumipad.

Magngingitian ang dalawa.

RED                            Naalala mo ba ang buhay matapos nating lumipad?

KUWATRO               Oo. Parang lahat ng mga pangarap natin agad-adaran nating nakamit. Parang hindi man tayo tumapak sa lupa.

RED                            Siguro ganoon talaga. Matapos lumipad, kaiangan malumpo. Mahirap naman kasi habambuhay lumilipad. Kailangan dumagsa ang mga responsibilidad ng pagiging buhay— ng trabaho, pamilya—

KUWATRO               —Ng pagkatalo, ng sakit, ng kamatayan.

RED                            Hindi maari na habambuhay tayong bata. (Patlang) Maliban sa kanya.

Papasok si WENDY.

Magandang gabi, binibini.

WENDY                     Ginoo. (Mapapansin ang mga bulaklak)Panahon na naman pala. Ilang taon na ang lumipas?

RED                            Mahirap na bilangin, binibini. Naghilom na ang mga dating sugat at napalitan na ng mga sariwang hiwa.

KUWATRO               Matanda na tayo. (Ngngiti) Hindi na natin kayang magbuhat ng mga higanteng piraso ng bubog. Hindi na natin kayang hintayin ang pagsikat ng araw at manood ng mga munting mirakulo.

RED                            Hindi na natin kaya lumipad.

WENDY                     Kung hindi ako nagkakamali, kaya pa nating lumipad gaya niya.

KUWATRO               Ano alam mo sa paglipad, binibini? Mahirap lumipad. Mahirap gunitain ang anatomiya ng paglipad dahil sa bawat paglipad ay may paghulog. Masakit makaalala. Mahirap kasi pantayan ang impusible, mahirap maglakad matapos lumipad at mahirap malumpo matapos ang maglakad.

RED                            At kahit ang pinuno ng barkada natin, nawala, lumipad nang lumipad hanggang nilamon na ng mga bulalakaw, araw, at buwan. 

WENDY                     Subalit siya lamang sa inyong tatlo ang hindi nahulog.

Katahimikan.

RED                            Paalam.

KUWATRO               Hanggang sa muli. (Tatawa sa sarili) Ito na yata ang huling pagtatagpo natin, mga kaibigan. Paalam Red, Wendy… Pedro.

WENDY                     Paalam.

Lalabas sina RED at KUWATRO.

(Habang palabas sina RED at KUWATRO) Iyon na nga ang huli naming pagkikita. (Patlang) Masakit. Sa kanilang mata nakita ko lamang ay galit at yabang. Mapanghuhusga ang mahahapdi nilang mga titig. Nalumpo nga sila subalit kung minsan sila’y lumipad at hindi matitikman ng mga binti ko ang ligayang iyon. Ang mas masakit sa kanilang mga mata, kahit hindi man nila binanggit, ay ako pa rin ang inaakusahan nilang pumatay sa taong pinaka-iniibig ko, kung kanino kahit sa alaala na lamang ay inalay ko ang aking kabataan. Subalit hindi ko kaya magalit sa kanila sapagkat sila lamang ang aking naging kaibigan sa kahabaan ng aking buhay. Sila lamang ang sumama sa aking nagbunton ng bundok ng mga pangarap. Mahal ko rin kayo Kuwatro, Redentor. Sinamahan niyo lumipad ang aking Pedro. At nang sinamahan niyo siya lumipad, sinamahan niyo rin ako.

Didilim ang ilaw. Maririnig ang mga huni ng ibon sa kalayuan. Maglalakad pataas ng entablado si WENDY. Isa-isang lilipad ang mga bubog. Biglang bugso ng ilaw mula sa likod ng mga manood.

PAGLIPAD

Uupo si WENDY sa bahaging taas ng entablado. Tatanggalin niya ang palamuti at balabal niya. Sa isang saglit bata na siya muli.

Papasok si RED at KUWATRO sa magkabilang bagwis, bata na muli.

RED                            Sa pusong dalisay walang impusible, sa pusong umaasa walang hindi makakamit. Ang aking mga kamay, paa, ulo, labi ang aking katawan at pagkatao ay extensyon lamang ng aking puso.

KUWATRO               Ang mundo’y basag-basag at pira-piraso ng isang hindi mawaring kabuoan. Sa aking mata nagtatagpo ang di mabilang na mga bituwin, ang dating walang hugis ay nagkaka-anyo, nabubuo.

RED                            Ito ang aking paglipad.

KUWATRO               Ito ang aking paglipad.

Itataas ng dalawa ang kanilang mga kamay at pipitas ng mga lumulutang na bubog.

RED                            Ako ang bathala ng apoy, ang aking pangalan ay ang aking katauhan. Ako ang pulang bumulusok sa kalangitan. Ako ang mahiwagang bituwin na dinasalan ng mga pusong umasa, ng mga pusong dalisay.

KUWATRO               Ako ang bathalang makata, ang aking pangalan ay ang aking katauhan. Ako ang hugis na pababagu-bago ng ulap at bituwin. Sa akin binibilang ng tao ang kanilang mga biyaya, sa aking kamay nabubuo ang tadhana.

RED                            Nang ako’y minsang lumipad pinadaplis ko ang aking mga daliri sa lawa ng pawis, dugo, at luha. At nang tinikman ko ang ang pinaghalu-halong hirap, sakit, at pangarap ng sangkatauhan, natikman ko ang sangkap ng mga panaginip.

KUWATRO               Nang ako’y minsang lumipad, kahit isang saglit sa aking buhay, pinakawalan ko ang pinakamahalaga sa aking buhay: ako ay nagpakawalang anyo. Sa mata ng isang dilag na nanood sa kalayuan, napansin ko na kahit isang saglit sa aking buhay, ako ay nagkatunay na anyo, anyong di pilit at mapanikil subalit nagbibigay agos sa tadhana.

WENDY                     Lipad pa, mga kaibigan! Lipad pa! Abutin niyo ang haraya.

Titigil ang paghuni ng mga ibon. Mamatay ang ilaw sa likuran ng mga manonood. Biglang tatayo si WENDY.

Nakatunganga ang dalawa sa mga nakulektang salamin. Salamin na lamang sila; hindi na munting mga mirakulo.

Ibabato ng dalawa ang salamin.  Tatakbo ang dalawa palabas ng entablado.

WENDY                     Red! Kuwatro! Ano nangyari? Si Pedro?

Mahabang katahimikan.

(Umiiyak) Sa kanilang matang luhaan nakita ko lamang ay galit at yabang. Mapanghusga ang mahahapdi nilang mga titig. Nalumpo nga sila subalit kung minsan sila’y lumipad at hindi matitikman ng mga binti ko ang ligayang iyon!

Biglang bugso muli ng ilaw sa likuran.

Mga kaibigan, lumipad din ako.

Papasok si PEDRO mula sa bahaging taas ng entablado. Maglalakad siya tungo sa ilaw.

PEDRO                      Nung minsan linipad ko ang haraya. Sumaliw ako sa ulap, bulalakaw, araw at buwan. Lumipad ako nang mas mataas, mas malayo, hindi na pinakikinggan ang mga banta ng kamatayan.

WENDY                     Hindi ka bumagsak tulad ng iba. Lumipad ka nang lumipad hanggang nakamit mo ang haraya.

PEDRO                      Sapagkat ang tunay na paglipad ay hindi nasa mundong ito. Wala sa mga pangarap na dapat makamit o mga hugis na bumubuo ng tadhana. Ang tunay na paglipad ay nasa wika ng mga panaginip.

WENDY                     Nakasulat sa alaala.

Malapit na si PEDRO sa kadiliman. Titigil siya at haharap kay WENDY.

WENDY                     Lumipad din ako. Kasama niyo. Lumipad ako nang makita kitang inabot ang haraya…

PEDRO                      (Iaabot ang kamay kay WENDY) At ngayon, dadalhin kita sa buwan. Halika na. Tayo ay Malaya.

Susunod si WENDY kay PEDRO.

Matatakpan nila ang ilaw mula sa likod ng mga manood.Sa kalayuan maririnig ang pagtawa ni WENDY at PEDRO na sumasaliw sa huni ng mga ibon.

 

 

WAKAS.

© 2012 Jay Crisostomo IV

This site is paid by ideas. Go ahead. Comment.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s