Penitensiya

PENITENSIYA

JAY CRISOSTOMO IV

MAIKLING DULANG PANG-ENTABLADO

 

TAUHAN

UNA

PANGALAWA

GORDA
PICOLA
ANGELO

BABAE

TAGPUAN

Isang madilim na kulungan kung saan tagpo ang tunay na mga karumarumarim.

TALA MULA SA MANUNULAT

Ang kopya ng dulang hawak mo, aking natatanging mambabasa, ay pangalawang bersiyon ng dulang Penitensiya. Hindi nangangahulugan na mas mainam ang bersiyon na ito o mas pangit. Iba lamang ito.

Nagpapasalamat ako sa Tanghalang Ateneo at kay Charles Yee sa pagbibigay buhay sa munting dulang ito noong Setyembre 2012.

 

(Sa maliit na siwang ng ilaw, nakatayo si GORDA, isang bruskong nilalang na hindi mawari kung tao o halimaw na naka-tutu, kinakausap ang mga manonood.)

 

GORDA

(Melodramatik) Patawad. Maraming Patawad! Ay! Aming mga kalunus-lunos na mga manonood patawad sapagkat ngayon matutunghayan ninyo ang sukdol kapangitan, ang di mapantanyang sindak, ang…

(Bahagyang lalabas mula sa bagwis si PICOLA, isang dalagang hindi pa binibisita ng regla o anumang bahid ng kasamaan subalit ay parang pinagulung-gulong sa loob ng inodoro.)

PICOLA

Psst…

GORDA

… ang malumbay na kinahihinatnan ng bawat nilalang. Ngayong gabi matutunghayan niyo sa aming mumunting entablado ang…

PICOLA

(Mapaggiit) PSST!

GORDA

(Kay Picola) Ano! Hindi mob a nakikita nasa gitna ako ng aking talumpati.

PICOLA

Gorda…

GORDA

Ano problema mo? Baka nais mo nanaman kayurin ko ang kaluban mo o baka naman gusto mapasukan ng bote ng alak at basagin ko sa loob nang tuwing umihi ka’y aagos ay pula! (Sa mga manonood) Patawad po aking mga sawing manonood. (Kay PICOLA) Magsalita ka o dudukutin ko ang dila mo.

PICOLA

Hindi ko na kaya Gorda. Gusto ko na umuwi at magpahinga.

GORDA

Umuwi? Magpahinga? Hindi mo ba kilala ang kausap mo? Si Senorita Gorda, ang mutya ng entablado! Hindi maaring magpahinga! Isa kang actor. Huwag kang mayabang at kampante sa hara ng mas nakagagaling sa’yo!

PICOLA

Subalit!

GORDA

Mamaya tayo mag-uusap. Ngayon. Arte!

(Pintig.)

 

PICOLA

(Sa mga manonood) Umuwi na kayo… Wala kayong makikita rito kundi kasakiman at paghihirap. Aking mga sawing mga manonood, sa awa ng diyos, umuwi na kayo.

GORDA

(Sasakmalin si PICOLA) Patawad po. Baguhan. Huwag na nating patagalin pa. Maestro!

(Sa tawag ni GORDA unti-unting maririnig ang mga di-mabigyang katawang mga sigaw at ungol mula sa kalayuan. Sumasama sa saliw ng mga ungol ang tunog ng kalampag ng rehas. Lalabas sina GORDA at PICOLA. Unti-unting didilim ang ilaw.)

 

(Papasok si ANGELO, ang tangang tagapagligtas.)

 

ANGELO

Nasaan kayo! Nasaan kayo! Narito na ang inyong tagapagligtas na si Angelo, sugo ng bathala! Mga lupon ng kadiliman magtago o harapin ang bangis ng kabutihan!

BOSES MULA SA LABAS NG ENTABLADO

Tulong!

ANGELO

Ano ‘yon? Huwag mag-alala! Parating na ang manunubos! Arya! (Lalabas)

 

(Buong kadiliman.)

(Bubukas muli ang ilaw sa entablado nang bahagya. Importanteng balot sa dilim ang kabuuan ng dula. Pinapanood ni NA-UNA si PANGALAWA na nakahiga sa lapag.)

NA-UNA

Nag-iingay na naman ang mga hungkag. Wala talagang pahinga sa lugar na ito.

(Maglalakad ang isang BABAEng nakahubad sa likod ng entablado. Pabiglang magigising si NA-UNA.)

PANGALAWA

Hindi ako makahinga. (Tatayong parang umaahon mula sa pagkalunod.)

Putang ina! Hindi ako makahinga.(Mapapansing madilim.) Hindi ako makakita. (Kakapain ang kanyang kapaligiran; Hinihingal) Putang ina! Hindi ako makahinga. Putang ina. Hindi ako makakita. Putang ina!

(Tatawa si NA-UNA. Kanina niya pinapanood si PANGALAWA)

Sinong nariyan? Sumagot ka. (Hahanapin ni PANGALAWA sa dilim si NA-UNA gamit ang kanyang mga kamay at sasakalin sa pagkahagilap.) Bakit ka tumatawa? Anong nakakatawa?

NA-UNA

Ikaw.

PANGALAWA

Hindi ako nakakatawa. Hindi ako makahinga. Hindi ako makakakita. (Babagsak. Bibilis ang paghingal.)

NA-UNA

Huminahon ka. (Titigil sa paghingal si PANGALAWA.) Hayan, nakakahinga ka na?

PANGALAWA

Oo. Pero hindi pa rin ako makakita.

NA-UNA

Huwag ka mag-alala. Madilim lang at hindi pa sanay ang mata mong makakita sa dilim. (Patlang.) Maghintay ka at unti-unti ka ring makakakita.

PANGALAWA

Bakit? Ikaw nakakakita ka ba?

NA-UNA

Halata ba?

PANGALAWA

Putang ina, sagutin mo ako nang maayos!

NA-UNA

Oo. (Patlang.) Nakakita ako. Hindi pa ganap ang aking pananaw pero lahat nakikita ko na. Kahit anino pa lamang sila.

PANGALAWA

Ano nakikita mo? Nasaan tayo?

NA-UNA

Mabuti pang hintayin mo na lamang. Samsamin mo ang pagkakataong hindi ka pa nakakakakita.

PANGALAWA

Bakit mo ipinagkakait ang iyong mga mata sa isang bulag?

NA-UNA

(Titingin sa kapaligiran) Mabuti pang hindi mo na malaman muna. Maniwala ka sa akin.

(Sa kalayuan, maririnig ang kalampag ng mga rehas.)

PANGALAWA

Ano ‘yon?

NA-UNA

Mabuti pang hindi mo na malaman.

(May sisigaw. Sigaw ng kamatayan.)

 

PANGALAWA

Sagutin mo ako. Putang ina! Hindi ko na ‘to kaya.

NA-UNA

Matulog ka muna. Unti-unti ring liliwanag ang lahat. Unti-unti ka ring makakakita.

PANGALAWA

Hindi ko kayang magpahinga. Putang ina! Hindi ngayon. (Patlang) Nasaan tayo? Bakit ayaw mo akong sagutin?

NA-UNA

Sapagkat malalaman mo rin naman ang mga sagot, mga sagot na mas mabuti pa sanang manatiling tanong.

PANGALAWA

Ano pangalan mo? Bakit tayo narito?

NA-UNA

Pangalan ‘ko? Hindi na mahalaga ang mga pangalan sa lugar na ito. Lahat tayo ay iisa lamang. Lahat tayo ay purong magkawangis at walang pinagkaiba.

PANGALAWA

Bakit ayaw mo sumagot nang diretso?

NA-UNA

Masyado matalim ang katotohanan, kaibigan.

 

PANGALAWA

Hindi tayo magkaibigan.

NA-UNA

Lahat tayo magkakaibigan dito. Lahat nang nanatiling hindi pa nakakakita at lahat nang nakakakitang ganap.

 

(Patlang.)

 

(Maririnig ang malakas na tokata mula sa labas. Papasok sina GORDA at PICOLA; sakay ni PICOLA si GORDA sa kanyang likod na parang kabayo. Hila-hila ni PICOLA ang isang karwahe ng props at damit pang-entablado.)

 

PANGALAWA

Ano ‘yon?

NA-UNA

Maghintay. Lahat ng mga anino nagpapakilala.

GORDA

Hinto!

(Tutuloy pa rin si PICOLA.)

 

GORDA

Hinto nga sabi! (Tatayo at pagsisipain si PICOLA) Isa kang hayop. Isa kang alipin. Pag sinabi ng amo monghuminto, hihinto ka o kailangan kitang kastiguhin.

PANGALAWA

(Kakapa sa kadiliman. Sasaluhin ang tadyak ni GORDA) Tumigil ka! Sinasaktan mo siya!

GORDA

(Biglang bait) Patawad senor. Hindi pa tayo magkakilala subalit sigurado akong magiging matalik tayong magkaibigan. Hindi naman sa ayaw kong pakinggan ang mungkahi niyo. Alam ko lang na kailangan ipaglaban ang tama at mabuti.

PANGALAWA

Mabuti? Mabuti bang saktan ang walang labang tao!

NA-UNA

Huwag ka na makialam. Hindi rin sila magbabago.

GORDA

Ay nasabi niyo na po. Tao! Hindi mabuti manakit ng tao subalit hindi tao ang bagay na ‘yan. Isa yang hayop, masahol at nakabababa. Hindi ba animal?

PICOLA

Opo.

GORDA

Hindi kita gusting pahirapan pero kung kinakailangan bibigatan ko pang aking mga tadyak. Naiintindihan mo animal?

PICOLA

Opo.

GORDA

(Tutulungan patayo si PANGALAWA)  Ngayon kaibigan, patawad nasaktan yata kita nang hindi sinasadya. Mainam na magpakilala hindi ba? Sa mga pagkakataong ganitong simulain ng mahaba’t mayabong na pagkakaibigan. Ehem. Ako si Gorda de la Cruz de la Mucho de la Grande III, pinuno’t unang aktor, batikan at malayo na ang inilakbay. Pinalakpakan na ako sa Tsina at Rusya, sa kanluran at silangan. Aba ako na yata ang pinakamagaling sa sining ng teatro sa siglong ito. Kinalulugod ko ang iyong pagkakakilala (Iaabot ang kamay; mapapansing hindi umiimik si PANGALAWA). Ginoo. Ginoo! Ang inyong kamay, ginoo! (Kukunin ang kamay ni PANGALAWA) Ay patawad hindi ka pa pala nakakakita. At kayo po, ano ang maitatawag ko sa inyo.

NA-UNA

Alam mong wala siyang pangalang, hunghang.

GORDA

Ay sakdal kabobohan. Patawad aking ginoo. At sa’yo naman inaalay ko lamang ang aking pagkakaibigan tulad nang nakaraan. Nasaan na nga pala ang dati mong kasama.

NA-UNA

Hindi ko alam. Bilisan mo na Gorda. Malapit na bumigay sa pagod ang kaibigan nating ito.

GORDA

(Itataas ang kamay sa pagsuko) Opo. Opo. At ito namang kadiring sakang, ang aking animal at kalaguyo ay si Picolo. Picolo, magpakilala ka.

PICOLO

Ako ang sahig, duraan, tapakan, yurakan, inodoro ng kagilalas-gilalas na si Gorda, pinuno’t unang aktor—

NA-UNA

Hindi mo na kailangan ulitin.

PANGALAWA

Mga kaibigan. Nakakakita ba kayo. Maari bang sabihin niyo kung nasaan tayo? Kung bakit tayo narito?

(Tatawa sina Gorda at si Picola.)

 

Bakit kayo tumatawa? Hindi ko alam kung nasaan ako? Kung bakit ako naririto! Parang awa niyo na! (Ihahambalos ang sarili sa dalawa subalit ay lalagpak lamang sa sahig)

GORDA

Bago.

PICOLA

Opo.

NA-UNA

Sige na, nang makatulog na siya.

GORDA

O sige na. Tara na at marami pa tayong bibisitahin Picola. Sa lugar. Magdamit ka na Picola (magtatapon ng putting bistidang duguan kay PICOLA at magsusuot ng gorang pang military, sa huli’y maghahain ng baril kay NA-UNA) Maestro!

(Biglang dilim ng ilaw.)

NA-UNA

(Kay Pangalawa; sa dilim) Kaibigan kung maari, huwag mo akong husgahan.

(Nakatayo si PICOLA sa isang gilid, mukhang nakatali sa isang poste. Umaaligid si GORDA. May hawak nab aril si NA-UNA, nakatutok kay Picola. Nasa isang tabi si PANGALAWA.)

 

PICOLA

(Mas matanda ang boses) Sige na. Hilahin mo na ang gatilya nang makatulog na ako.

GORDA

(Umaastang opisyal sa militar) Ay masyado mabilis. Masyado mabilis. Hindi maari. Kailangan muna naming mapaligaya bago ka matahimik. Hindi ba sundalo?

 

(Hindi iimik si NA-UNA)

 

Hindi ba sundalo?

(Hindi pa rin iimik; nanginginig)

 

(Sa tunay na boses niya) Ano ba. Hoy Linya mo na.

PICOLA

Mahal, hilahin mo na ang gatilya.

GORDA

Manahimik ka! (Sasampalin si PICOLA)

NA-UNA

(Nawa’y sinapian, nanginginig ang hawak sa baril)  Mga tarantado kayo! Sa’kin kayo may kaso! Kung naniniwala kayo sa diyos pakawalan niyo asawa ko. Pakawalan niyo anak ko! Putang ina! Putang ina!

GORDA

May kasalanan ka sa’min. May kasalanan sa’min pamilya mo. Aba buong angkan mo. ‘Pag pumapatay ka ng daga hindi naman pupuwedeng isa lang, dapat lahat ng daga sa buong bahay pinapatay.

NA-UNA

E kung ikaw kaya barilin ko. (Itututok ang baril kay GORDA)

GORDA

At paano naman ang anak mo sa kabilang silid.

NA-UNA

(Babagsak)  Parang awa niyo na patayin niyo na lang ako. Patayin niyo na lang kami. Hindi na naming kailangan magdusa pa.

GORDA

Huwag mo naman nakawin ang ka-isa-isang saya sa trabaho ko. Alam ko na. Maglaro na lang tayo. (Tatawa) Oo tama. Masaya maglaro. Kunwari… Ay henyo! Isa akong henyo. Kunwari yung anak mo ang asawa mo. O hindi ba kay talino. O sige. Yung anak mo yung asawa mo. Unang araw niyo nang pagiging kasal. Sobrang umaapaw ang pag-iibigan niyo sa isa’t isa. Kaya…

NA-UNA

Huwag. Diyos ko po! Huwag.

GORDA

At papaano naman ang asawa mo.

(Luhaan at nakatitig lamang si PICOLA kay NA-UNA)

 

GORDA

Marami pa akong kayang gawin, sundalo. Napakarami pa.

(Tatayo si NA-UNA at unti-unting maglalakad palabas ng kuwarto.)

 

PICOLA

Diyos ko! Huwag! Patayin niyo na lang ako. Mahal hilahin mo ang gatilya!

(Didilim ang ilaw. Sa kadiliman: maririnig ang nagkakantutang mag-ama at ang pagputok ng baril.)

 

(Babalik sa ‘normal’ ang ilaw. Nagtatanggal ng bistida si PICOLA at ibinabalik na ni GORDA ang gora sa kariton. Nakatayo si NA-UNA sa gilid ng entablado, umiiyak at hawak-hawak pa rin ang baril.)

 

GORDA

Kaibigan! Kaibigan!

NA-UNA

Putang ina niyo!

GORDA

Ginagawa lamang naming ang trabaho namin. At magaling ako sa trabahong ito. Hindi ba Picola?

(Papalakpak si PICOLA nang bahagya at sarkastiko.)

 

Magaling hindi ba inidoro?

(Napilitang pumalakpak nang mas masigasig.)

 

GORDA

Mainam. Kaibigan kung maari, puwede mob a ibalik ang baril?

(Babarilin ni NA-UNA si GORDA. Mahuhulog. Katahimikan.)

 

PANGALAWA

Pinatay mo siya? Ano ginawa mo?

GORDA

(Tatayo) Biro lang ito naman o. Huy, ito hindi na biro, pakibalik yung baril.

(Itatapon ni NA-UNA ang baril kay GORDA.)

 

Salamat. Hay! Hindi niyo lang alam kung gaano na mahal gumawa ng palabas ngayon. Ilaw pang-entablado pa lang kamay at paa na! Wala ka pang maasahang tumulog. Halika na Picola. Tuwad animal.

(Tutuwad si PICOLA at sasakay si GORDA.)

 

GORDA

Sa susunod, mga kaibigan! Sa susunod ikaw naman guwapo!

(Lalabas ng entablado.)

 

PANGALAWA

Ano ‘yon? Ano nangyari? Sino sila?

NA-UNA

Malalaman mo rin, kaibigan.

PANGALAWA

Nasaan nga ba talaga tayo?

NA-UNA

Mas mainam na malaman mo sa iyong sarili. At mas mainam na ipagpaliban ang kaalaman. (Uupo sa tabi ni PANGALAWA)

(Pintig.)

PANGALAWA

Pagod na ako.

NA-UNA

Magpahinga ka muna. Kakailanganin mo ang lakas mo.

(Hihiga si PANGALAWA. Unti-unting makakatulog.)

NA-UNA

(Habang pinapanood si PANGALAWA) Sa lugar na ito. Hindi na importante ang pangalan. Ikaw lamang ang pangalawa at lamang ang na-una— ang pangalawa at na-una sa isang libong pumapangalawa at na-uuna. Hindi ka nakakakita. Magpasalamat ka sa isang minsang pagkabulag sapagkat masyado matalim ang sundang. Unti-unting masasanay ang iyong mga mata sa dilim at makakakita ka na nga.

(Liliwanag ng isang karampot ang entablado. Maglalabas ng sundang mula sa kanyang sisidlan si NA-UNA).

 

NA-UNA

At parang isang bagong panganak na gumapang mula sa sinapupunan ng kanyang ina, pipilitin mong kayurin pabalik ang pukeng lumuwa sa’yo sa unang sulyap ng karumarumarim na mundo.

(Igigiit ni NA-UNA ang sundang sa palapag. Pabiglang magigising si PANGALAWA)

PANGALAWA

Hindi ako makahinga! Hindi ako makakita! (Tatayo.) May malabong pangitain, isang di mabigyang anyong panaginip na naganap na ang pagkakataon na ito.

NA-UNA

(Nakangiti) Gan’yan talaga rito. Paulit-ulit kang magigising. Paulit-ulit kang mamumulat sa karahasan ng paikut-ikot na mundo. (Patlang.) Nakakita ka na.

(May daraan na isang BABAEng nakahubad.)

 

PANGALAWA

Oo nga. Mga anino lamang datapwat nakakita na ako. Mga aninong tumatakbo at tumatalon— mga anino ng tao o hayop.

NA-UNA

Mga halimaw. Mga halimaw na sa kung anong kasalanan ay bumagsak sa lugar na ito.  Mga halimaw na ikaw at ako.

PANGALAWA

Kasalanan? Ano ang aking kasalanan? Bakit ako narito? (Sa taas) Pakawalan niyo ako! Wala akong sala! Walang sala!

 

NA-UNA

Tumigil at mapapagod ka lang. Malalaman mo rin.

PANGALAWA

Sino ka?

NA-UNA

Ako ang Na-una. Ikaw ang Pangalawa.

PANGALAWA

Ano?

NA-UNA

Wala na tayong mga pangalan. Ako ang na-unang dumating at ikaw pangalawa. Iniwanan na natin ang mga pangalan at ang kasakip nitong kapalaran. Ngayon, narito lamang tayo: pareho at walang pinagkaiba kundi ang pagkakataon ng pagkamulat.

(Daraan muli ang BABAE.)

PANGALAWA

Ano ‘yon?

NA-UNA

Pangitain. Anino. Dilim. Mas mabuti pang hindi mo na muna malaman.

PANGALAWA

(Babagsak at biglang sisigaw.) Masakit ang aking katawan. Nasusunog.

NA-UNA

Masyado matalim ang sundang ng araw. Unti-unti ka pang masusunog. Tataas ang apoy hanggang kumakalam na pati ang dugong humihimlay sa mga buto mo.

PANGALAWA

Putang ina! Hindi ko na kaya. Putang ina hindi ko na kaya.

(Papasok si GORDA.)

 

GORDA

Sakang! Nasaan ka na!

PANGALAWA

Gorda? Tulungan mo ako. Parang awa mo na. Pakawalan mo ako!

GORDA

Ha? Sino ka, kaibigan? Hindi pa tayo kayo magkakilala.

PANGALAWA

Kanina lamang ay dumaan ka na. Aktor ka, pinuno’t batikan. Parang awa mo na.

GORDA

Tumabi. Hindi kita kilala. (Itutulak)

 

NA-UNA

Pabayaan mo na. Kahit sila ay nasusunog. Kahit sila may sariling unti-unting paagkamulat at pagdurusa.

GORDA

Halika na Picola. Gusto ko muli maramdaman ang init mula sa gitna ng iyong mga binti. Gusto kong matikaman ang balat mong kulay rosas. Dilaan, namnamin. Picola! Narito na ang iyong mangingibig.

PANGALAWA

Ano ang nangyayari sa kanya?

NA-UNA

Hindi na importante. Ang mahalaga ay huwag kang manghusga.

GORDA

Halika na! Halika na, bata! Makinig sa iyong amo!

PANGALAWA

Nahihibang ba siya?

NA-UNA

Ha? Sinong makakakilala ng isa pang hibang rito?

GORDA

Animal! Kung hindi ka dumapa sa aking harapan sa mismong segundong ito e paduduguin kita, palalagusin ko ang pula mula sa’yong katawan. Pulang dagtang malagkit hanggang mamuti kahit ang bunbunan mo! Picola, halika, animal!

(Katahimikan.)

 

O baka gusto mo, ako ang magpakamatay? Gusto mo bang ang irog mong masaktan? Gusto mo bang ako ang  magdugo at magpaagos ng pula? Puputulin ko ang aking mga dila’t balikat, paa’t uten at iaalay sila sa’yo bilang palumpon ng nagdurogong rosas!

 

(Papasok si PICOLA.)

 

PICOLA

Nandito na ako mahal.

GORDA

Nandyan ka lang pala. Halika’t pahihiyawin kita.

(Sasakmalin ni GORDA si PICOLA. Lalabas sila.)

 

(Patlang.)

 

PANGALAWA

Mga hibang!

NA-UNA

Huwag kang manghuhusga! (Sasampalin si PANGALAWA)

 

(Patlang.)

 

Hayan sa tabi mo.

(Kakapain ni PANGALAWA ang sundang sa tabi niya.)

PANGALAWA

Ano ‘to?

NA-UNA

Pansamantalang lunas. Maari mong piringin ang iyong mga mata subalit di tatagal matututo ka ring makakita gamit ang iyong balat, ilong, tainga, at dila.

PANGALAWA

Putang ina. Hindi ko gagawin iyon sa aking sariling katawan. Hindi ako katulad nila. (Itatapon ang sundang.)

NA-UNA

Mabuti na rin siguro. Sapagkat ang pinaka-matalas na pandama ay hindi ang kahit anong sangkap ang laman at dugo kundi ang alalahanin. Kundi ang pag-alala.

PANGALAWA

Nakakaalala ka? Naaalala mo kung papaano ka napunta rito? Naaalala mo?

NA-UNA

Oo.

PANGALAWA

Paano? Bakit? Kailan?

NA-UNA

Isa-isa lang. Unti-unti mo ring malalaman ang mga dahilan. Mas mabuting maghintay.

PANGALAWA

Putang ina mo!

NA-UNA

Putang ina nating lahat.

PANGALAWA

Gago. (Lalayo.)

(Dadaan muli ang nakahubad na BABAE. Ngayon uupo siya.)

PANGALAWA

(Sa BABAE.) Sino ka? Ano ka?

(Hindi sasagot ang BABAE. Titignan lamang nito si PANGALAWA.)

NA-UNA

Hindi na siya tulad natin.

PANGALAWA

(Kay NA-UNA) Wala akong pakialam. Mas mabuti na siyang kausap kaysa sa’yo. (Sa BABAE.) Sino ka? Bakit ako narito?

(Tatayo ang BABAE. Ngingiti at iihi ng dugo. Maglalakad siya palayo. Maririnig sa labas ng entablado ang mga sigaw at kalampag ng rehas.)

PANGALAWA

Putang ina! Masakit! Sakit na kumikitil sa bawat masayang alalahanin.

NA-UNA

Ang sundang.

PANGALAWA

Ikaw, bakit hindi mo dukutin ang sariling mong mata?

NA-UNA

Dahil pinipili kong makakita at magdusa ng buo at tunay.

PANGALAWA

At pinipili kong hindi maging tanga. Putang ina. Hindi ko dudukutin ang sarili kong mata. Ang sakit! Kumakakalat na siya sa kabuoan ng aking pagkatao. (Babagsak)

NA-UNA

Kiliti lamang ‘yan. Matulog ka muna.

PANGALAWA

Tulog kay tamis na tulog (unti-unting makakatulog)

NA-UNA

…kung saan natututo tayong harapin ang sarili nating dilim at unti-unting makakakita at magdurusa. At sa pinaka-huling pagkakataon kung kailan tunay nang nasanay ang matang makakita sa dilim, magsisimula ang tunay na pagdurusa… ang tunay na parusa sa mga kasalanan na hindi mapangalanan.

(Babalik ang BABAE. Umiihi pa rin siya ng dugo. Hinahayaan niya lamang kumalat. Titigil ang BABAE at titignan si NA-UNA. Tatayo si NA-UNA, at kukunin ang sundang. Susundan niya ang BABAE. Liliwanag ang entablado. Halos nakakabulag.)

(Biglang magigising si PANGALAWA)

PANGALAWA

Hindi ako makahinga!

(Patlang)

Nakakakita na ako. Nakakahinga na!

Mag-isa na lang ako. Na-una, nasaan ka? Nasaan ka?(Uupo sa kaalaman na mag-isa na nga lang talaga siya). Mag-isa na nga lang talaga ako. Ako na ba ngayon ang na-una? Magkakaroon pa nga ba panibagong pangalawa?

(Maririnig ang mga sigaw at kalampag ng rehas. Ngayon mas malakas. Halos nakabibingi.)

(Titingin sa mga manonood.) Putang ina! (Kakastiguhin niya ang sarili niya. Ibabagsak ang sarili. Hindi mapakali. Namamatay at muling nabubuhay.) Nakakakita na ako! Putang ina! (Hahanapin ang sundang.) Nasaan ang putang inang sundang?

(Papasok muli si NA-UNA kasama ang BABAE sa panig ng mga manood. Itataas ni NA-UNA ang sundang. At kakayurin ang mata niya. Hahayaang kumalat ang dugo. Unting lalakas ang mga tunog.)

Hindi ako makahinga! (Hihingalin muli.) Bakit? Putang ina! Nasaan ako? Paano ako napunta rito? Bakit ako narito?

(Titigil. Hihinahon. Lalabas ang BABAE at si NA-UNA.)

 

Sino ako? Ano ako?

(Lalakas ang tunog. Nakakabingi.)

(Papasok si PICOLA tulak-tulak ang isang karitong hawak ang mga hati-hating katawan ni GORDA. Nasa gitna ang ulo ni GORDA.)

 

Kaibigan…

PICOLA

Kaibigan.

(Katahimikan.)

 

Mga actor kami. At kahit pa ano an gaming nagawang kasalanan. Kailangang magpatuloy ng palabas. Heto ang lalaking gumahasa sa akin ng paulit-ulit. Ninakaw niya ang aking kamutyaan. Sa pang isa’t isang libong beses na pinadugo niya ang pinakasikreto sa aking balat, natutununan ko siyang mahalin. Minahal ko siya ngunit hindi pinatawad. Siya rin ang pinunong actor, ang pinakadalubhasa. Iiwanan ko siya para ilantad sa’yo ang iyong sariling kasalanan.

(Lalabas si PICOLA.)

 

PANGALAWA

Kamusta Pangalawa? Ako ang na-una. Mamumulat ka, paunti-unti. Matuto kang huminga, makakita sa dilim, at sa wakas ay maka-alala.

(Bubukas ang mga mata ni GORDA.)

 

GORDA

(Masalimuot na pagngiti) Kamusta kaibigan?

PANGALAWA

Mabuti.

GORDA

Hindi ako makahinga. Hindi ako makakita.

PANGALAWA

Alam ko.

GORDA

Nakikita mo ba ang kapaligiran mo?

PANGALAWA

Oo.

GORDA

Mainam. Nakikita mo ba ang mga halimaw na kung ngumiti ay hindi talaga ngumingiti?

PANGALAWA

Oo.

GORDA

Sa hindi katagalan, makakita na ako, masusunog at magdurusa.

PANGALAWA

Alam ko.

GORDA

Kaibigan, tulungan mo ako. Tulungan mo ako at isasalaysay ko ang mga dahilan kung bakit ka naririto.

PANGALAWA

Hindi na kailangan. (Unti-unting babalatan si GORDA gamit ang sundang) Hindi ko na kailangan huminga at tunay na akong nakakakita. (Babagsak.) Nagsimula at natapos lahat nang wala akong alam at wala akong nalaman. (Iiyak. Titigil ang tunog. Isang Katahimikan.) Mas mabuti na sigurong wala akong alam sa ngayon. Mas mabuti na siguro. (Muling lalakas ang tunog at ang ilaw. Palakas. nang palakas hanggang sa biglang dilim at ang tunay na katahimikan).

GORDA

(Duguan; nakangiti) Salamat.

(Magdidilim ang panig nina PANGALAWA at GORDA. Papasok si ANGELO.)

 

ANGELO

Narito na ang inyong kaligtasan. Sumigaw lamang kay. Magpakita! At darating ang kaligtasan!

                             TELON.

                                                BJ 2012               

This site is paid by ideas. Go ahead. Comment.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s