PIETA

PIETA

Dulang Pang-Entablado May Ganap Na Haba

Jay Crisostomo IV

Sa mga nangungulilang nanay at kanilang mga halimaw

 

Mga Tauhan

Angelo, padre de pamilya, nanggaling sa katamtamang yaman ngunit nalugmok

Josefina, asawa ni Angelo, deboto

Maria, estuyante ng mataas na paaralan, may pambihirang ganda

Niño, panganay na anak nina Angelo at Josefina, may sira

Ang Sanggol

 

Tagpuan

Dating magarang bahay na naagnas sa hirap at panahon, sa kanan ay ang inaanay na magarang pintong ukit mula sa barsinadong nara, sa gitna ay ang salas kasama ang mga napaglumaan at nangatngat na muwebles, sa kaliwa ay ang hapag kainan at ang lagusan tungo sa kusina, sa bandang taas ay ang hagdang gawa sa latis na bakal patungo sa ikalawang palapag ng bahay na umiikot sa malahiganteng kabinet na nagsisilbing altar-Katoliko ng pamilya, puno ng kung anu-anong rebulto— sa kabuuan ng dula sumasayaw ang mga anino ng birhen at mga santo sa patay-sinding ilaw ng mga kandila. Dumadambuhala sa buong entablado ang krus na nakasabit sa taas ng altar. Gawa sa kahoy, gasgas at mantsado, ang kalakihan ng bahay.

Ang Dula

Yugto I, Eksena I

(Gabi, hinihintay ni Josefina umuwi ang mag-ama niya.)

 

Josefina:

Ano ba naman ang dalawang yun? Kay gabi na. Hindi ba nila alam na oras nan g pagdarasal?

Niño:

(Papasok, nagbaril-barilan) Patay! Haha! Patay! Bang. Bang! Patay kayo lahat.

Josefina:

Hindi magandang laro ‘yan, anak. Masama pumatay.

Niño:

Laro lang naman po. Wala namang mamamatay.

Josefina:

Tumigil ka. Hindi malayo maging totoo ang mga laro. (Magbabago ng usapan) Naligo ka na ba?

Niño:

Opo!

Josefina:

Masama magsinungaling, pinapanood ka ng Panginoon.

Niño:

Naligo na po ako. Kuskus na kuskus na po uten ko.

Josefina:

Diyos ko pong batang ito. Basta handa ka na pagdating ng tatay at ng kapatid mo. Saan ba nasuksok ang dalawang iyon.

(Papasok sina Angelo at Maria.)

 

Josefina:

O napagabi yata kayo.

Angelo:

Kumain lang kami si labas ni Maria. Dumating kasi mga marka niya at nasa honor roll na naman ang paburito kong dalagita.

Josefina:

Mabuti iyan. Pero hindi pinaghihintay ang Diyos, halika na at makapagpahinga na tayo.    

         

(Luluhod ang pamilya sa harap ng altar. Mamumuno si Josefina sa pagrorosaryo. Pinaglalaruan ni Niño ang isang kandila.)

 

Josefina:

Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya, ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo, bukod kang pinagpala sa babaeng lahat at pinagpala naman ang iyong Anak na si Hesus.

(Sasagot ang iba pang kasapi ng pamilya.)

 

Josefina:

Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya, ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo, bukod kang pinagpala sa babaeng lahat at pinagpala naman ang iyong Anak na si Hesus.

 

Angelo:

(Pabulong, kay Niño) Itigil mo ‘yan.

Josefina:

Santa Maria, Ina ng Diyos, ipanalangin mo kaming makasalanan, ngayon at kung kami’y mamamatay.

Angelo:

Nagdarasal tayo, anak. Itigil mo ‘yan. Halika nga rito Niño.

Josefina:

Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya, ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo, bukod kang pinagpala sa babaeng lahat at pinagpala naman ang iyong Anak na si Hesus.

Niño:

Apoy. Mainit. Masarap. Apoy. Mainit. Masarap. (Susubukan sunugin ang kamay)

Angelo:

(Hindi mapipigilan ang sarili, hihilahin ng anak) Niño!

Josefina:

Santa Maria, Ina ng Diyos,ipanalangin mo kaming makasalanan, ngayon at kung kami’y mamamatay.

Niño:

(Pipiglas) Apoy! Mainit! Masarap! Apoy! Mainit! Masarap! Liliyab ang aking balat!

(Hahawiin ni Maria ang kandila. Mahuhulog ang kandila sa lapag. Papatayin ito ni Angelo. Madarapa si Niño.)

Maria:

(Yayakapin ang kapatid) Nasaktan ka ba?

Angelo:

Niño! ‘Sus naman! Anak, ilang beses ko ba uulitin sa’yo na delikadong maglaro ng apoy? Gusto mo bang masunog ang bahay natin? Kasama na lahat ng kukurimpot na may roon tayo?

Josefina:

(Nagdarasal pa rin) Siya nawa. (Tatayo, mahinahon) Kailan ka ba matututong galangin ang pagdarasal? Diyos ang kaharap mo anak, siyang lumikha, siyang    nagbigay buhay. (Kay Maria at Angelo) Umakyat na kayong dalawa, gabi na. (Kay Niño) Halika sa kusina anak. Gusto mong masunog? Halika. Ipaparamdam ko sa’yo ang apoy ng impiyerno nang matuto kang matakot sa Diyos.

Maria:

Inay huwag! Hindi niya na uulitin.

Josefina:

Matulog na kayo.

Niño:

Tulong, Maria. Tulong.

Maria:

Hindi niya po naiintindihan ang ginagagawa niya. Maawa kayo!

Josefina:

Huwag kang sasagot sa nanay mo.

Niño:

Si Maria lang ang nagmamahal sa akin sa pamilyang ito! Si Maria lang ang mahal ko!

Josefina:

Bastos kang bata ka ah!

(Hihilahin ni Josefina si Niño mula kay Maria. Pipigilan siya ni Maria ngunit sa wakas ay magtatagumpay.)

Josefina:

Mahal kita, anak. Kailangan mo nang matuto.

Niño:

‘Nay huwag. Hindi na. Pangako. Bait na ako. Bait na ako.

(Lalabas tungo sa kusina ang dalawa.)

 

Maria:

Pigilan mo siya, ‘Tay. Bata lang siya. Hindi niya alam ang ginagawa niya.

Angelo:

Mas nakatatanda pa sa’yo si Niño. Tama ang iyong nanay, kailangan niya nang matuto. Hindi kami parating narito. Hindi ko talaga maintindihan kung papaano  nangyari iyang kapatid mo pero anak din namin siya at mahal din namin siya. ‘Pag magka-anak ka na, maiintindihan mo rin na maraming paraan ng pagmamahal, minsan kailangan maging marahas para kumalinga. (Pintig) Maria, tumatanda ka na. Alam kong lalaki ako kaya mahirap ito pag-usapan pero, kahit ako, napansin kong nagiging dalaga ka na. Delikado ang pagiging dalaga, parang paglaro sa apoy, anak. Huwag mo itong mamasamain pero (Mahihirapan bigkasin) may kaibigan ka na bang lalaki?

Maria:

Lalaki? Ba opo, sa eskuwelahan maraming lalaki. Iba roon kaibigan ko, iba kaaway. Hindi naman naiba sa mga kaklase kong babae.

Angelo:

Hindi iyon ang ibig sabihin ko.

Maria:

Ano po ‘yun?

Angelo:

May nanliligaw na ba sa’yo? Nagpapakita ng interes?

Maria:

(Gulat) Ano po? Hindi. Wala. Dise siyete pa lang po ako. Wala pa sa pag-iisip ko ang mga bagay na ‘yun.

Angelo:

Gusto ko lang malaman mo na mahal na mahal ka namin ng nanay mo. Gusto ka namin alagaan nang mabuti at ayaw naming may mangyari sa’yong masama. (Yayakapin si Maria) Ay anak! Sana lagi kang manatiling aking Maria at aking Maria lamang. Hayaan mong kami muna nang kapatid mo lang ang maging lalaki sa buhay mo.

Maria:

‘Tay, kahit kalian hindi naman magbabago na anak mo ako.

Angelo:

Salamat. (Hahalikan ang bumbunan ni Maria) Mahal na mahal kita, Maria.

 

(Maririnig ang sigaw ni Niño mula sa kusina.     Susubukan ni Mariang tulungan ang kanyang kapatid subalit pipigilan siya ni Angelo.)

Angelo:

Mabuti pang matulog ka na.

Maria:

Pero.

Angelo:

Ako nang kakausap sa nanay mo.

(Aakyat si Maria.)

 

Angelo:

(Sa krus) Patawarin mo kaming makasalanan.

(Papasok si Josefina mula sa kusina, hila-hila ang taenga ni Niño.)

 

Josefina:

Hindi ako nagpa-anak ng satanista. Gagalangin mo siyang lumikha, naiintindihan          mo ba ‘yun anak?

Angelo:

Josefina, masyado ka na yatang marahas sa bata.

Josefina:

Marahas? Wala nang ibang paraan para paamuhin ang demonyitong ito. Ang tanda-tanda mo nang bata ka, isip ulol ka pa rin.

Niño:

‘Nay tama na. Parang awa niyo na. Hindi na mauulit.

Josefina:

Hay! Ni wala kang alam sa tunay na pagdurusa, iiyak ka na. Kilala mo ba kung sino yang nakapako sa krus?  Ginutom siya, hinagupit, pinako, at pinahirapan ng kung papaano pa bago pinatay, namatay siya para sa’yo Niño! Ikaw napaso lang, iiyak na! Siya ang tunay na nagdusa at pagkatapos noon ay babastusin mo lang siya?

Niño:

(Walang malisya) ‘Nay, papaano naman nakatulong sa akin ang pagkamatay niya?

Josefina:

Bastos! Demonyo!

(Hihilahin ni Josefina si Niño, ikakandado sa kabinet.)

 

Josefina:

Narinig mo ba ‘yun, Angelo? Ang pagsasalitang ganoon ang hihila sa kanya sa impiyerno! (Uupo sa sofa) Hindi ko na kaya. Hindi ko na kaya, Angelo. Bakit ang hirap ng buhay? (Ibabaon ang mukha sa mga kamay)

 

Angelo:

(Tatabihan si Josefina) May bahay pa tayo, nakakakain. At ang pinakamahalaga, magkasama pa rin tayo. ‘Yun lang naman ang tunay na kailangan natin, hindi ba? Pamilya.

Josefina:

Bakit tayo sinumpa nang ganito? Mabuti naman tayong Katoliko, araw-araw nagrorosaryo, kada- linggo nagsisimba, kahit ang kaunting may roon tayo nasisikmura pa nating i-pang-abuloy. Ano nangyari sa yaman mo? Iwinaldas sa pagpapagamot sa ulol na anak! Ulol na anak! Patawad, ang ka-isa-isang lalaking nabigay ko sa’yo ay inutil.

Angelo:

Hayaan mo, umaangat na naman ako sa opisina ko sa bayan. Hindi na tayo magiging mayaman muli pero mabubuhay naman tayo nang maayos. Kakayod          ako ng isang buhay para sa pamilyang ito. Aba! Ako ang padre de pamilya at hindi ko kayo hahayaang magutom. At huwag mo na alalahanin pa si Niño, biniyayaan naman tayo ng isang dakilang anak. Kahit hindi man lalaki si Maria, ‘yun lang ang mahihingi ko sa’yo Josefina. Pinaligaya mo na ako, mahal kita.

Josefina:

Siguro nga. Kay buti mong asawa, kay buti mong ama. (Yayakapin si Angelo) Ikaw ang aking biyaya, Angelo, sinagot na ng siyang may kapal ang aking mga        panalangin.

(Hahalikan ni Angelo ang bumbunan ni Josefina.)

 

Angelo:

Mahal na mahal din kita.

Josefina:

Halika na, matulog na tayo. Maaga ka pa bukas at kailangan ko pang mamalengke nang maaga at makamura.

(Tatayo ang dalawa, papatayin ang ilaw. Magsisimulang umakyat.)

Angelo:

(Magbubkas ng pitaka) May pera ka pa?

Josefina:

(Isasarado ang pitaka ni Angelo) Kaya pa ‘yung binigay mo nung nakaraang linggo.

(Naka-akyat na ang mag-asawa.)

 

(Kakalambog ang kabinet, bubukas, at iluluwa si Niño. Sa aninag ng buwan at apoy ng kandila, makikitang gumagapang papatayo si Niño, titignan niya ng sunog niyang kamay, susuray patungo sa sofa.)

Niño:

(Delirioyso) Napupuno ka ng grasya. Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat at pinagpala ang iyong anak. Pinagpala ang iyong anak. Pinagpala ang iyong anak! Santa-santa, ina ng diyos! Ipanalangin mo kaming makasalanan! Ngayon at kung kami’y mamamatay! Mamamatay! Mamatay! Patay! Patay! Patay nanay! Patay           tatay! (Tatawa sa sarili)

(Tutungtong sa sofa) Aba ginoong Maria! Aba ginoong Maria! Apoy! Apoy! Mainit, panoorin mo akong lumiyab, Maria! (Babagsak, mahihimatay)

 

(Bababa si Maria. Nakapantulog na siya, may kaiklan ang damit at kita ang hubog ng mga mas interesanteng bahagi ng babae. Papasok siya sa kusina, tatawag sa dilim, “Niño? Niño?” Bubuksan ang ilaw sa kusina. Bababa si Angelo, susundan si Maria. Papatayin ang ilaw.)

 

Niño:

(Habang tulog) Apoy! Apoy! Mainit, panoorin mo akong lumiyab, Maria! (Ipapasok ang kamay sa salawal)

 

(Matapos ang ilang sandali ng kadiliman, maririnig ang pagtilaok ng manok. Liliwanag ang ilaw. Umaga na.)

 

Yugto 1, Eksena 2

 

(Ang umaga matapos ang mga pangyayari ng unang eksena. Bihis na si Josefina, nakaupo katabi ni Niñong humihilik. Nakapatong ang agahan ni Niño, isang sketchbook, at mga krayola sa mesang nakaharap sa kanila. Magigising si Niño.)

 

Niño:

(Biglang upo) ‘Nay!

(Kakalmahin  ni Josefina ang kanyang anak.)

 

Josefina:

Paano ka nakalabas?

Niño:

Hindi ko po alam. Di ko po alam. Pagkagising ko narito na ako.

Josefina:

 ‘Wag ka mag-alala, anak. Hindi na ako galit.

Niño:

Hindi na po kayo galit?

Josefina:

Hindi na anak. Nakapagdasal na ako, at pinakita sa akin ng Panginoon ang aking          mga pagkakamali. Patawad anak, baka nga masyado nga akong naging marahas. Pupuwede bang kalimutan na lang natin ang mga nangyari kagabi.

Niño:

Mga nangyari kagabi?

Josefina:

Iyan ang gusto ko sa’yo. Tunay ka ngang Katoliko, mapagpatawad. (Ilalapit ang agahan ni Niño) Hayan, kumain ka na, sigurado akong gutom ka.

Niño:

Hindi ko kailangan pumunta sa hapag-kainan? Akala ko masama kumain dito.

Josefina:

Ngayon lang ‘to, anak. Sikreto natin.

(Kakain si Niño.)

 

Josefina:

Kain lang nang lumaki kang malakas at malusog.

Niño:

Nasan si ‘Tay at si Maria, ‘Nay? Hindi ba sila gutom.

Josefina:

Pumasok na ‘yung dalawa, anak. Ihahatid daw ng tatay mo si Maria. Nagulat nga ako e, kay layo ng opisina ni Angelo sa eskuwelahan, magtataxi na lang daw sila. Hay! Yang tatay mo talaga kung makapili lang ng paborito. Pero ‘wag ka mag-alala, Niño, ikaw ang paborito ko, ikaw ang aking Santo Niño. Huwag mo sasabihin kay Maria ‘yun a, baka magtampo siya.

Niño:

Ano po nakain niyo ‘Nay? Bakit ang bait ninyo?

Josefina:

(Tatawa) Mabait naman talaga ang nanay mo ah. Ewan ko ba, baka dala lang ‘to ng bagong umaga at maayos na patnubay ng Diyos. Malaki pakiramdam ko, Niño, aayos na ang lahat. Magiging maayos ang lahat. (Tatayo) O, sige kain ka lang. Mamalengke lang si Nanay. (Kukunin ang bayong nanakasabit sa may pintuan) Kukulangin na pagkain natin sa bahay e. Matapos mo kumain, ilagay mo lang sa lababo ang napagkainan mo at mag-drowing ka na.

Niño:

Hindi ko po kailangan maghugas, maglaba, maglinis ng bahay?

Josefina:

Ayaw mo mag-drowing?

Niño:

Gusto!

Josefina:

Hindi sa araw na ‘to anak, si nanay na muna bahala sa lahat. Mag-drowing ka lang. Huwag ka mag-alala, pag-uwi ko, babaunan kita ng mga bagong kahon ng krayola.

Niño:

(Mapapatigil) Talaga po?

Josefina:

Sabi ko naman sa’yo ikaw ang paborito ko e. (Hahalikan ang kanyang anak) Ikandado mo ang bahay pag alis ko. (Pintig, halik muli) Mula sa araw na ito, magiging maayos na ang lahat.

(Lalabas ng bahay si Josefina. Susunod si Niño, ikakandado ang pinto. Kukunin niya ang napagkainan, pupunta sa kusina. Paglabas niya muli ay hawak-hawak niya ang salawal ni Maria mula sa nakaraang gabi, yari sa manipis na telang puti, busilak maliban sa mantsa ng dugo.)

Niño:

Ano ‘to? Dugo! Dugo ng baboy! Si ‘nay talaga minsan ang dungis sa kusina. (Aamuyin) Ay! Hindi pala dugo ng baboy! Dugo ng isda. (Tatawa, aamoy muli) Ang lansa! Panis na isda! (Kikibit balikat, isusuot ang salawal sa ulo niya, babalik sa sofa at mag-drodrowing sa sketchbook niya) Ayan! Ang ganda. Ang ganda-ganda, parang si nanay, parang si Maria. Ang ganda talaga ng kapatid ko. (Mag-iisip) Hmmm… Kulang. Kulang sa pula. (Kukuwa ng pulang krayola at mabangis na maglalagay ng mga pulang linya) Pula! Pula! Pula! Ang ganda! Ang ganda-ganda!

(Katok sa pinto, madalagungdong.)

 

Niño:

Tao po?

Maria:

(Mula sa labas ng pinto) Niño? Niño, papasukin mo ako, si Maria ‘to.

Niño:

Maria? Maria sino?

Maria:

Niño, hindi ako nakikipaglaro, si Maria ‘to kapatid mo. Parang awa mo na papasukin mo ako!

(Ilalagay ni Niño ang suot na salawal sa loob ng sketchbook, parang bookmark, at isasarado ito.)

Niño:

Papunta na po. Papunta na po.                                                                         

(Bubuksan ni Niño ang pinto, uupo sa sofa. Iiyak.)

 

Niño:

Bakit ka umiiyak?

(Ayaw sumagot ni Maria. Lalapitan siya Niño.)

Niño:

Bakit ka umiiyak Maria? Ayaw kong umiiyak ka! Sabihin mo. Sabihin mo. Si kuya aayos ng lahat.

Maria:

Dinala ako ni Tatay sa doktor. May mali daw sa akin.

Niño:

Ano mali sa’yo? Ang ganda-ganda ng kapatid ko. Mali ang doktor. Walang mali sa’yo.

Maria:

May ginawa sa akin si tatay kagabi… Hindi ko rin maintindihan, Niño. Gusto raw nila akong talian. Para sigurado na walang mangyaring… nakakahiya, yung    salitang ginamit ni ‘Tay.

Niño:

Tatalian ka lang pa la e. Hindi niyo na kailangan ng doktor. Kahit kuya mo kaya gawin yun.

(Itatali ni Niño ang sintas ni Maria. Sisipain ni Maria si Niño palayo.)

Maria:

(Puputok) Hindi mo naiintindihan kasi sira ulo ka! Tanga ka! Kahit mas matanda   ka pa sa akin, e ano naman kung utak aso ka. Tanga! Tanga!

(Katahimikan.)

 

Maria:

Niño… Niño, walang kahulugan yung sinabi ko. Galit lang ako. Patawad.

Niño:

(Maglulugmok sa gilid) Hindi ako tanga. Iba lang ako. Kung alam niyo lang kung ano nakikita ko. Kung ano naiintindihan ko. Sa akin, lahat ng bagay maganda,       tama, kahit apoy o dugo, maganda at tama. Kahit halimaw, maganda. Kayong mga tumatawag sa akin ng tanga, kayo tanga. Lahat sa inyo pangit, mabaho, masama. Demonyito! Demonyo! Satanista! Hindi niyo nakikita na lahat maganda.

(Katahimikan.)

 

Maria:

Oo. Alam ko… Ako ang tanga, Niño. Ako, si nanay, lalo na si tatay. Kami ang mga tunay na tanga. Patawarin mo na ako.

Niño:

Hindi ka na magiging masama sa akin?

Maria:

(Ngingiti) Hindi na, Niño. Pangako.

Niño:

O sige. Bati na tayo. At dahil bati na tayo, (Pintig) Maria, halika, halika, may ipapakita ako sa’yo. Regalo. Magugustuhan mo.

Maria:

Ano ‘yun?

(Bubuksan ang sketchbook, mahuhulog ang mantsadong salawal. Nakahubad si Maria sa guhit ni Niño.)

Niño:

I-dinrowing kita! Tignan mo! Hindi ba ang ganda-ganda mo!

 

(Tulala si Maria.)

 

Niño:

Hindi ka masaya?

(Katahimikan.)

Maria:

Niño, nakita mo ba kami ni Tatay kagabi?

Niño:

Hindi ko alam. Pero nanaginip ako. Napaginipan ko kayo ni tatay. Umiiyak ka rin noon. Bakit ba lagi ka umiiyak? Ikaw talaga ha! Alam mo naman na ayaw kong umiiyak ka e.

Maria:

Niño, mahal mo ba ako?

Niño:

Uhm… Uhm… Sikret ‘to kasi sabi ni ‘Nay, sikret ‘to.

Maria:

Ano sabi ni nanay?

Niño:

Sabi ni Nanay, paborito niya raw akong tao. Paborito ka raw ni Tatay. Pero alam          mo, sa atin lang ah, paborito din kita. Ang suwerte mo naman. Dalawang tao          may paborito sa’yo. (Mag-iisip) Kawawa naman si nanay, walang may paborito sa kanya.

Maria:

Sagutin mo ako, Niño. Mahal mo ba ako?

Niño:

Oo naman, paborito nga kita e. Ito talaga o! Gusto akong gawing sirang plaka! (Tatawa sa sarili)

Maria:

(Maghuhubad, dahan-dahan)  Sabi nila, kawawa ka. Tanga ka raw. Wala ka raw   kinabukasan. Mamatay ka raw nang mag-isa. Pero hindi. Imposible. Ikaw na siguro ang pinakamagandang taong nakita ko. Simple ka lang. Wala kang ere. Sinasabi mo ang gusto mo. Ginagawa mo ang gusto mo. (Pintig) Niño, gusto mo ba ako?

 

Niño:

(Halos bulong lang) Oo.

(Yayakapin ni Maria si Niño, imumudmod ang hubad na katawan sa kapatid niya, ibibigay ang sarili. Hihimlay ang dalawa sa sahig.)

 

Maria:

(Huhubaran si Niño) Mahal na mahal kita, Niño. Ikaw ang aking paboritong tao. Hindi iyon sikreto. Puwede mo ipagsigawan sa mundo. Hindi ako na-aawa sa’yo. Bakit naman ako ma-aawa sa pinakamagandang tao sa mundo?

Niño:

Hindi ko alam ang sasabihin ko.

Maria:

Hindi mo kailangan magsalita.

(Bubkas ang pinto. Papasok si Angelo.)

 

Angelo:

(Habang ibinubulsa ang susi) Maria? Maria! Huwag ka mag-alala, hindi mo na kailangan gawin iyon. Tanga yung doktor na iyon. Tanga tatay mo. Ako may kasalanan, ako gagawa ng paraan. Hindi ko pa alam kung paano pero gagawa ako ng paraan. Maiintindihan naman sana ng nanay mo.

(Makikita ni Angelo ang magkapatid na magkasiping. Magugulantang.)

 

(Papasok si Josefina, makikita ang magkapatid, mahuhulog ang pinamalengke, kasunod ay ang baon niyang kolorete.)

 

(Kadiliman.)

 

—WAKAS NG UNANG YUGTO—

 

Yugto 2, Eksena 1

(Ilang buwan matapos ang Unang Yugto, malaki na ang tiyan ni Maria. Kumakain ang pamilya sa hapag. Dinig lamang ang kalampag ng mga kubyertos. Matapos ang ilang sandali)

 

Angelo:

Puwede pa-abot ng—

Josefina:

Kunin mong mag-isa mo.

(Kukunin ni Anelo ang kanin. Muling katahimikan.)

 

Angelo:

Alam niyo bang inangat na ang posisyon ko sa opisina. Umaakyat na tayo sa mundo, sa wakas.  Nang makita nila ang trabaho ko sa—

Josefina:

Wala akong pakialam.

(Muling katahimikan.)

 

(Ibabagsak ni Angelo ang kubyertos niya.)

 

Angelo:

Josefina, tapos na ang lahat. Wala na tayong magagawa. Ano ba ma-idudulot ng pagtataray mo? Wala, Josefina, tanggapin na lang natin ang nangyari at salubungin natin ang bagong miyembro ng ating pamilya. (Kay Maria) Nakaisip ka na ba ng pangalan Maria?

Maria:

(Kay Josefina) ‘Nay ilang araw na ring hindi kumakain si kuya.

Josefina:

Manahimik kayo pareho. Angelo, kahit ano pa bang sabihin mo hindi ko kayang tanggapin na magkamanugang na anak. Hindi ko kayang tanggapin na nagka-anak ang anak ko sa aking anak. Halimaw yang binubuhat ng babaeng iyan sa    sinapupunan niya. At ikaw naman, babae, hindi kakain ‘yang kasintahan mong      ulol. Wala siyang karapatan sa ipinamalengke at pinagpaguran ko sa kusina.

Niño:

(Mula sa kabinet) ‘Nay, parang awa niyo na, pakawalan niyo na ako.

Maria:

‘Nay narinig niyo siya. Magkapuso kayo. Anak mo rin siya.

Angelo:

Baka mamatay ang bata.

Josefina:

Kayong mag-ama talaga! Wala na akong kakampi sa bahay na ito. Ginagawa ko lang ang sa tingin kong tama bilang asawa, bilang inay. Nanay ng ulol. Hayaan niyo siyang magdusa nang makita niya sa wakas ang tamang landas. Walang maaabot ang awa. Mahirap tanggapin pero ito ang katotohanan sa mga taong tulad niya. Hindi niya naiintindihan kung ano ang tama at mali? Aba, ituturo ko sa kanya.

(Maduduwal si Maria. Sasaluhin siya ni Angelo dadalhin sa kusina. Mapapatingin si Josefina, magdududa.)

 

Josefina:

(Sa Krus) Panginoon, hindi lamang isa ang lalaki sa bahay na ito. Nawa’y hindi nagkasala ang aking Angelo, siyang isinugo niyo sa akin at akin lamang.

(Papasok si Angelo.)

 

Angelo:       (Susubukang lumabas) Tatawag akong doktor.

Josefina:

Hindi doktor kailangan ng batang ‘yan. Walang magagawa ang mga gamot ng tao sa sakit ng kaluluwa. Diyos, Angelo, diyos. Kailangan niya ang tulong ng diyos.

Angelo:

Nakikita mo ba ang nangyayari sa mga anak natin?

Josefina:

Oo. Nakikita ko ang mabilis at marahas na kamay ng Panginoon. (Sa kusina) Ano masakit ba Maria, masakit ba ang hagupit ng langit? Nararamdaman mo ba ang mga tadyak ng demonyong nasa sinapupunan mo? Hala, kung hindi mo kayanin ‘yan, papaano ka na? Patikim lang ‘yan ng iyong huling hantungan!

Angelo:

Anong nangyayari sa’yo, Josefina?

Josefina:

Binasbasan ako ng Panginoon ng ilaw sa madilim nating hawla. Sa sumpang ito! (Papasok sa kusina, hihilahin palabas si Maria, may wangis ng kamatayan) Halika babae, humingi ka ng tawad. (Itatapon si Maria sa harap ng altar) Kung hindi lang sa batang ‘yan ipapasok din kita sa aparador. Hala, magdasal.“Panginoon kong Hesukristo, ako’y nagkasala sa Iyong kabutihang walang hanggan.” Ituloy mo, bruha!

Maria:

(Halos mahimatay) Ako’y nagsisisi ng buong puso at nagtitika na di na muling magkakasala sa tulong ng Iyong mahal na grasya.

Josefina:

Isa pa. Lakasan mo nang marinig ka sa langit!

Maria:

(Sumisigaw) Panginoon kong Hesukristo, ako’y nagkasala sa Iyong kabutihang walang hanggan. Ako’y nagsisisi ng buong puso at nagtitika na di na muling magkakasala sa tulong ng Iyong mahal na grasya. (Mahuhulog)

 

Josefina:

Angelo, samahan mo kami.

Angelo:

Ako ang padre de pamilya. Ako ang masusunod. Josefina, kailangan mo nang tumigil sa kahibangan mo. Tignan mo ang kalagayan ng iyong mga anak. Hindi mo ba nakikitang, sinasapian ka na?

Josefina:

Lumuhod ka Angelo! Wala kang karapatan mag-astang matapang. Nasaan ka nang ginahasa ng anak mong lalaki ang kanyang kapatid, nang pinilit niya ang balat niya sa pinakasagradong bahagi ng isang babae? Nang nagkasala sila sa isa’t isa, sa kanilang magulang, at higit sa lahat, sa Diyos na nanood at lumuha? Nasaan ka? Ano ginawa mo? Wala. Wala kang ginawa, Angelo. Kaya ako ngayon ang may gagawin.

(Katahimikan.)

 

Angelo:

(Manghihina) Josefina, may kailangan kang malaman. Hindi lang si—

Josefina:

Manahimik ka.

Angelo:

Subalit.

Josefina:

Sa ngalan ng lahat ng mabuting inilikha ng may kapal, ‘wag mong itutuloy ang iyong sasabihin.

Angelo:

Ako ang—

Josefina:

Ubos na ako Angelo, naninikluhod ako sa harap mo, lumilimos ako ng awa, ‘wag mo nakawin sa akin ang aking pagiging babae. Nininakaw na ng mga impaktong ito ang aking pagiging nanay. Ng lalaking ‘yan nasa loob ng aparador! (Kay Niño)         Ninakaw mo na lahat sa akin, Niño at tinawag kitang anak.

Niño:

(Mula sa loob ng aparador) Hindi kita kaibigan. Si Maria lang mahal ko.

Josefina:

Si Maria na tinawag mong kapatid? Ano sa palagay mong mangyayari sa kanya ngayong nabuntis na siyang di oras?

(Papatay-sindi ang ilaw, sasakit ang tiyan ni Maria.)

 

Josefina:

Sa palagay mo makababalik pa siya sa eskuwelahan? Ano sasabihin ng mga kapitbahay natin? Sa tingin mo makakakuwa pa siya ng maayos na trabaho?         Sinira mo na siya! Sinira mo ang iyong kapatid para sa libog! Sinong magpapalamon sa’yo, bata?

(Kakalambog ang loob ng aparador.)

 

Josefina:

Ngayon, pareho kayong mamamatay sa gutom. Pinatay mo na rin ang iyong kapatid! Pinatay mo si Maria!

(Mamatay ang ilaw. Makikita lamang ang susunod sa apoy ng kandila.)

 

Niño:

(Mula sa loob ng aparador, pabulul nang pabulol) Panginoon kong Hesukristo, ako’y nagkasala sa Iyong kabutihang walang hanggan. Ako’y nagsisisi ng buong puso at nagtitika na di na muling magkakasala sa tulong ng Iyong mahal na grasya.

(Bubukas ang aparador, lalabas si Niño. Halos umusli na ang kanyang tadyang mula sa balat niya dahil sa kapayatan. Nakapasok ang impusibleng haba ng kanyang braso sa kanyang lalamunan.)

 

Niño:

Amen! Amen!

(Mahuhulog si Niño sa tabi ni Maria, isang tablaue ng Pieta. Hihilahin niya ang kanyang kamay mula sa bibig, sasama ang buo-buong piraso ng dugo at iba pang laman loob.)

 

 (Maaayos ang ilaw.)

 

Niño:

Kahit mga halimaw, maganda, Maria. Hindi ba? Hindi ba? (Mamamatay)

 

(Tatakbo si Angelo tungo sa kanyang mga anak.)

 

Angelo:

Niño! Niño! Niño!

Josefina:

Aking anak!

(Galaw sa katahimikan, halos ritwal: bubuhatin ni Angelo papuntang kusina si Niño, aakyat sa pangalawang palapag si Maria, magsusuot ng belong panglamay ang tulalang si Josefina.)

 

Yugto 2, Eksena 2

 

(Bubusksan ni Josefina ang sketchbook ni Niño, isa-isang pupunitin at ipapaskil ang mga larawan na iginuhit ng kanyang yumaong anak sa mga pader ng bahay— iba’t ibang santong may mukha ng kanyang mga kapamilya.)

 

Josefina:

(Sa sarili) Ang galing-galing mo talaga anak. Hindi ka nga siguro matalino pero magaling ka naman gumuhit. Alam mo, anak, mahal na mahal ka ng nanay mo. Ikaw ang aking paborito. Sa akin ka kumampi hindi ba? Patawad anak, hindi ko           lang napansin na mayroon akong kapanig. Hinding hindi mo iiwanan ang nanay mo, di ba? Palagi tayo magkasama, magkakabit sa tadyang.

(Papasok si Angelo mula sa kusina.)

 

Angelo:

(Susubukan hilahin ang mga larawan) Josefina, tama na!

Josefina:

Huwag mo akong susubukan, Angelo. Ikaw ang tama na!

Angelo:

Pinatay mo ang iyong anak. Kailan ka ba titigil?

Josefina:

‘Wag mong lokohin ang sarili mo Angelo. May bahid din ng dugo ang iyong mga kamay. Hindi naman mahalaga. Ngayon malaya na siya sa pangungutya na dala ng kanyang sakit. Kapiling pa rin natin siya. Nararamdaman koi yon. Naniniwala ako. Kasing lakas at bagkis ng paniniwala ko sa Diyos.

Angelo:

Naririnig mo ba sarili mo? Ang kailangan natin ngayon ay wastong pag-iisip. Kailangan natin gumawa ng kuwento. Tumakbo yung bata. May ginawang   kalokohan na nagpahamak sa sarili niya. Hindi ko alam. Bahala na. Maniniwala naman siguro ang mga kapitbahay natin dahil sira sa ulo yung bata.

Josefina:

Hindi sira ang anak ko!

Angelo:

Josefina, umaakyat na tayo sa mundo matapos ng ilang taong paghihirap. Giginhawa na ulit ang buhay natin! Gusto mo bang masira ulit tayo ng iskandalong ito?

Josefina:

Hindi na mahalaga ‘yun, Angelo. Ang mahalaga ay kapiling pa rin natin si Niño.

Angelo:

Makinig ka sa akin, sa ka-una-unahang pagkakataon sa buhay mo, Josefina, making ka sa akin, magtiwala ka sa akin. Alam kong sinasabi ko.

 

Josefina:

San mo dinala ang bata?

Angelo:

Ilinibing ko siya, pinagdasalan. Hindi na mahalaga. Basta, walang makakaalam.

Josefina:

Saan mo dinala ang labi ng aking yumaong anak?

Angelo:

Sa bakod. Mabuti nga’y walang nakakita sa akin.

Josefina:

Hindi pupuwede iyon! Kailangan niya ng maayos na libing! Tatawagan ko ang pari. Huhukayin mo siya. Dadalhin natin siya sa sementeryo.

Angelo:

Nahihibang ka na talaga ano? Ngayon alam ko na saan nagmana yung tiyanak na ‘yon. Alam mo ba ang mangyayari kung malaman ito ng mga tao? Kung anong mangyayari sa trabaho ko? Sino magpapakain sa atin? Diyos? Mabubusog ka ba sa mga panalangin mo?

Josefina:

Hindi ko na kailangan kumain.

 

(Pupunta sa telepono si Josefina. Ibabagsak ni Angelo ang telepono. Iaangat muli ni Josefina. Itatapon ni Angelo ang telepono.)

Angelo:

Putang ina! Ako ang masusunod. Ako ang pinuno ng pamilyang ito.

Josefina:

(Titigan si Angelo sa mata) Sinira ng pamumuno mo ang bahay na ito! Ang bahay ko. Patay ang isang anak. Buntis ang isa. Baliw ang asawa. Kay galing mong ama, Angelo. Kay galing mong ama.

(Mapapa-upo si Angelo. Katahimikan.)

 

Angelo:

Alam mo?

Josefina:

Babae ako pero hindi ako tanga. Nakita ko kung papaano mo siya tignan, kung papaano mo siya hawakan, yakapin, hagkan. Alam mo ba kung gaano kasakit ‘yun para sa isang babae? (Tatawa sa sarili) Para sa isang nanay? Oo nga wala akong sinabi, wala akong ginawa, pero nanahimik ako, nagbulag-bulagan, sapagkat ‘yun na sa palagay ko ang kinailangan kong gawin para panataliing buo ang pamilyang ito.

Angelo:

Bakit wala kang sinabi? Bakit hindi mo ako pinigilan?

Josefina:

Hindi ako matalinong tao, ang alam ko lang ay ang alam ko.

Angelo:

(Iiyak) Sana hindi na nangyari ang lahat ng ito. Sana buhay pa ang aking anak.   Sana hindi ako nagkasala. Sa palagay mo ba, gusto ko ang nangyari? Na kaya ko   ipagyabang sa kalsada ang nagawa ko? Josefina, kung may ginawa ka lang sana.

 

(Kikidlat sa kalayuan.)

 

Angelo:

Lalaki ako. Tatay. Dapat malakas, makisig, kayang magtayo ng pamilya at buhayin ito ayon sa turo ng Panginoon. Josefina hindi ba ginawa ko lahat ng makakaya ko? Minsan, dati.

(Susubukan yakapin ni Angelo si Josefina. Iiwas si Josefina, tatakbo tungong kusina. Madarapa si Angelo.)

 

Angelo:

Hindi ba, Josefina? Naging mabuti akong asawa? Ama? Nagtrabaho ako,   kumayod. Sinubukan kong pagalingin ang anak natin. Nawala ang lahat sa akin   dahil doon. Josefina…

(Maririnig ang hampas ng hangin mula sa labas ng bahay, takitak ng ulan, hiyaw ng kidlat.)

(Papasok si Josefina mula sa kusina, may dalang kutsilyo.)

 

Josefina:

(Itatapon ang kutsilyo sa harapan ni Angelo) Hayan. Panindigan mo ang iyong mga kasalanan.

Angelo:

Ano?

Josefina:

Kung nagkasala ang kanang kamay, putulin ito. Angelo kung tunay kang lalaki, panindigan mo ang mga kasalanan mo sa harap ng panginoon nating si Hesukristo, para sa iyong asawang sinaktan, sa piling ng yumao mong anak, sa loob ng bahay na iyong dinungisan. Angelo, kung nagkasala ang kanang kamay, putulin mo ito.

(Katahimikan. Tatayo si Angelo. Lalakas ang unos, bubukas ang mga bintana, papasok ang ulan. Mamatay ang ilaw. Sa apoy ng kandila, tititigan ni Angelo ang sundang, marahang ibababa sa kanyang pagkalalaki, at magsisimulang putulin ito. Siya ay sisigaw. Kasabay niya, hihiyaw din mula sa taas ang kanyang anak. Mahuhulog ang sundang.)

 

(Marahas na tinititigan ni Josefina ang duguan niyang asawa.)

 

Angelo:

(Umiiyak) Patawad. Patawad. Patawad.

(Papasok si Maria sa bungad ng hagdanan. Tulad ni Angelo, duguan din siya.)

 

Maria:

Anong nangyayari sa akin?(Mahihimatay)

 

(Maririnig ang iyak ng sanggol mula sa ikalawang palapag, mas halimaw kaysa tao.)

 

(Kadiliman.)

 

Yugto 2, Eksena 3

(Katabi ni Angelo ang duyan sa salas. Halata sa katawan niya ang bahid ng mga pangyayari ng nakaraang mga yugto, parang tumanda siya ng beinteng taon.)

 

(Papasok si Josefina mula sa mga kuwarto sa itaas, nakapanlamay.)

Josefina:

Angelo. Pahingi ng pera?

Angelo:

Pera para saan mahal?

Josefina:

Hindi ko alam. Mamamalengke ako matapos magsimba.

Angelo:

Ah, ganoon ba? Magkano kailangan mo?

Josefina:

Tatlong libo.

Angelo:

Tatlong libo! Mahal, wala na akong perang ganoon. Nasisante na ako.

Josefina:

Tatlong libo, Angelo.

Angelo:

(Maglalabas ng pera) Ito na lang may roon ako. Hindi ko na alam saan pa tayo kukuwa ng pera.

Josefina:

(Kukunin ang pera) Hindi ko trabahong mag-uwi ng pera. Problema mo iyon. Hindi ako magtatagal.

Angelo:

Sige, mag-ingat ka mahal.

Josefina:

Huwag mo akong tatawaging mahal at huwag na huwag mo lalapitan ang aking anak, habang wala ako, marami pang puwedeng putulin sa iyo.(Lalabas.)

Angelo:

(Sa sanggol sa loob ng duyan) Anak, kung maaari kitang tawaging anak, hayaan mong lumaki ka, maging malakas at baling araw magiging sa’yo ang mundo. Anak, lalaki ka at dahil doon ay pinagpalad ka. Lagi kang maging mabuti at   gamitin mo ang iyong pambihirang kapangyarihan nang may hinahon. Marami nang nawala sa akin… Ni hindi na nga ako lalaki. Huwag kang tutulad sa akin… Manalangin ka at pakinggan mo ang boses ng Diyos.

(Papasok si Maria, naka-puting bistida. Sa kapayakan niya, siya ay maganda, dalisay.)

 

Angelo:

Maria, maari mo ba akong tabihan?

                                                          (Hindi sasagot si Maria subalit ay susunod sa                                                             kanyang ama.)

 

Angelo:

Alam kong kinamumuhian mo ako.

Maria:

Hindi kita kinamumuhian.

Angelo:

(Gulat) Masaya akong marinig yun subalit hayaan mo akong magpatuloy. Wala akong kung ano mang karapatang humingi ng patawad ngunit bago ako pumanaw, at nararamdaman ko na ang palapit na palapit kong kamatayan, gusto ko lamang magpaliwanag. Gusto kong ipaliwanag ang aking sarili. Kung bakit ko ginawa ang ginawa at kung papaano ko siya nasikmura. Makikinig ka ba sa matandang halimaw na ito?

(Hindi iimik si Maria.)

 

Angelo:

Salamat. Nagkaroon ako ng maraming panahon para mag-isip, para pagmunihan ang aking kasakiman sapagkat kahit tatlo na lamang tayo sa bahay, parang ang sanggol na lang na ito ang aking kausap. Maria, minahal kita. Mahal na mahal kita, hindi bilang kasintahan o asawa. Mahal kita bilang anak. Kung naaalala mo, sinabi ko dati na may maraming paraan ng pagpapakita ng pagmamahal. Nagkamali lamang ako ng paraan, Maria. Ginusto kitang protektahan pero ako pa ang nakasakit sa iyo. Dahil sa’kin naging babae ka nang di oras subalit nasaktan kita gusto ko lang malaman mo na nanggaling ito sa isang malakas at kumakain na liyab ng puso na matatagpuan sa mga mas mabuting magulang. (Pintig)           Naiintindihan mo ba?

Maria:

Hindi po.

Angelo:

(Kakamot ng ulo, hirap na tatayo) Pagmamahal Maria. Tao lang naman ang nagsabi na may iba’t ibang uri ng pagmamahal. Pagmamahal sa kapatid, sa anak, sa asawa. Subalit kung tutuusin natin may isang uri lamang ng pagmamahal. Malalaman mo ito kung nagmahal ka na nga. Mararamdaman mo ito sa iyong dugo, apoy na lumiliyab na hindi marunong making sa katuwiran.

(Papasok si Josefina, naka-itim, mula sa labas ng bahay. Hindi mapapansin ni Angelo.)

Angelo:

Minahal ko dati ang nanay mo. Hindi mo tutuusin pero kamukhang kamukha mo ang nanay mo nung bata pa siya, ka-ugali mo rin siya. Maganda, dalisay, totoo, walang takot. Kaya siguro pinaburan kita kaysa kay Niño, hindi dahil may sakit siya sa utak subalit dahil nakita ko sa’yo ang unang taong minahal ko, ang iyong nanay. O diyos ko! Hindi ko mapaliwanag kung papaano ko siya minahal. Siguro hindi na, sapagkat  naramdaman mo na rin ang pagmamahal na iyon. Pero tumanda siya, pumangit, itinapon ang sarili sa Diyos at kinalimutan ang kanyang sariling kagandahan. Ang pangit ng nanay mo, Maria. (Yayakapin si Maria) Nakita mo na siyang magdasal, mukha siyang mangkukulam, hukluban na mangkukulam.

Maria:

Inay.

(Mapapalingon si Angelo, matitigilan.)

 

Josefina:

Layuan mo siya.

(Lalayo si Angelo kay Maria. Katahimikan.)

 

Angelo:

Nakauwi ka na pala. Kamusta ang bisita mo sa simbahan?

Josefina:

Hindi ba sinabi ko sa inyong dalawa na huwag na huwag kayong mag-uusap?

Angelo:

Josefina, wala kaming ginagawang masama.

Josefina:

Hukluban na mangkukulam.

Angelo:

Narinig mo ako?

Josefina:

Narinig ko ang lahat.

Angelo:

Walang kahulugan ang sinabi ko. Humihingi lamang ako ng tawad. Kahit ano naman sinasabi ng tao basta mapatawad lang di ba? Parang kumpisal lamang, magdadasal ka pero magkakasala ka rin naman e.

Maria:

Hindi kita kinamumuhian, ama. (Tatayo, hahawakan ang duyan) Binigyan mo ako ng dahilan para mabuhay. Pero hindi rin kita patatawarin. Kailanman, hindi ko kayang patawarin.

(Katahimikan.)

 

Josefina:

Umakyat ka na Maria, dalhin mo ang tiyanak na ‘yan.

(Bubuhatin n asana ni Maria ang kanyang anak subalit biglaan siyang sasakalin ni Angelo.)

 

Angelo:

(Habang sinasakal si Maria) Ito ba ang gusto mo, Josefina?

(Iiyak ang sanggol sa duyan.)

 

Angelo:

Ito ba ang gusto mo? Papatayin ko siya, wawakasan ko ang buhay niya. Makakapagsimula tayo muli. Umalis tayo, pumunta tayo sa Maynila at doon puwede tayo gumawa ng bagong pamilya. Itong babaeng ito ang may kasalanan ng lahat, inakit niya ako, inakit niya ang kapatid niya. Kampon siya ng demonyo. Sabihin mo lang, mahal, at gagawin ko ang gusto mo.                    

 

(Maglalabas ng baril si Josefina, nanginginig.)

 

Josefina:

Gusto kong mamatay ka.

Maria:

(Habang sinasakal) Gusto kong mamatay ka.

(Lalakas ang iyak ng sanggol, magtutunog halimaw. Hahawakan ni Angelo ang kanyang puso, mahuhulog, mamamatay.)

 

(Mahuhulog ni Josefina ang baril.)

 

(Kukunin ni Maria ang sanggol, balot sa tela, hindi makikita ng mga manonood, at ihehele ito.)

 

Josefina:

Salamat, anak. Hindi ko yata talaga kakayaning patayin ang iyong ama. (Uupo sa tabi ni Maria) Mahal mo ba ang anak mo, Maria.

Maria:

Opo.

Josefina:

May pangalan na ba siya?

Maria:

Wala pa. Hindi pa niya sinasabi sa akin.

Josefina:

Anak, nanay din ako. Naiintindihan ko pag-ibig ng isang ina. Subalit alam mo ba kung ano ‘yang hawak mo?

Maria:

Ang aking anak.

Josefina:

Hindi mo anak iyan. Bata iyan na gawa sa pagtatalik ng magkadugo, lumalabag iyan sa pinakamatandang batas ng mundong ito. Isa iyang demonyo. Alam mo ba ang pakiramdam ko na kinailangan kong ilibing ang aking anak bago ako mamatay, at ngayon ang aking asawa. Iyan ang dahilan ng lahat, Maria. Iyang batang yan ang sanhi ng lahat ng ating paghihirap.

Maria:

Alam ko.

Josefina:

Sana makuwa mo akong patawarin, anak, kailangan kong gawin ang huli kong trabaho bilang isang ina.

(Kukunin ni Josefina ang bata mula kay Maria, itatakbo sa altar.)

 

Josefina:

Ang batang ito ay ang ating kasalanan. Ang pinagbuntong-buntong kasalanan ng ating pamilya. Inaalay ko ikaw sa kanyang may kapal.

(Susunugin ni Josefina ang bata. Subalit ay babarilin siya ni Maria sa balikat. Bago mahulog si Josefina, maukukuwa ni Maria ang sanggol.)

Maria:

Nanay ka, at naiintindihan kong gusto mong alagaan ang nalalabi sa sira-sira mong pamilya. Subalit, nanay din ako, at hindi ko kayang iwanan ang aking anak. Patawad. (Babarilin niya ang kanyang anak, matapos ay ang kanyang sarili. Mahuhulog, mamamatay.)

 

(Sisigaw si Josefina, sigaw ng naulilang inay.)

 

(Kadiliman.)

 

(Muling bubukas ang ilaw, nakalantay sa harap ni Josefina ang mga damit pamburol nina Angelo, Maria at Niño. Ihinehele niya ang isang maliit na barong tagalog.)

 

(Sa pagtapos ng kanta ni Josefina, kasabay ang huling pagdilim ng ilaw.)

 

—WAKAS—

 

          BJC l Nobyembre 2012

 

 

 

2 thoughts on “PIETA

  1. Pingback: Jay Crisostomo IV’s ‘Pieta’ | The Curious Dancing

This site is paid by ideas. Go ahead. Comment.

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s